HIHIRIT ng ikalawang sunod na panalo ang Alaska Milk at Meralco kontra magkahiwalay na kalaban sa PBA Philippine Cup mamaya sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Makakasagupa ng Aces ang Talk N Text sa ganap na 7 pm matapos ang 4:15 bakbakan ng Bolts at Blackwater Elite.
Tinambakan ng Alaska Milk ang defending champion Purefoods Star, 93-73 noong Biyernes gamit ang matinding running game.
Sa kabila ng panalo ay sinabi ni Alaska Milk coach Alex Compton na hindi dapat magkumpiyansa ang Aces kontra sa Tropang Texters na ngayon ay hawak ni coach Joseph Uichico.
Ang Tropang Texters ay nakabangon buhat sa 101-81 kabiguang sinapit sa Barangay Ginebra noong opening day nang tambakan ang NLEX, 103-81 noong Biyernes.
Kontra Purefoods, ang Alaska Milk ay nakakuha ng 21 puntos buhat kay Calvin Abueva na nangakong babawi sa masagwang performance noong nakaraang season.
Siya ay tinulungan nina Vic Manuel at RJ Jazul na kapwa nagtala ng 11 puntos.
Sumasandig din si Compton sa mga tulad nina Sonny Thoss, Cyrus Baguio, JVee Casio at Dondon Hontiveros.
Matapos mabokya laban sa Gin Kings, nagtala ng 19 puntos si Jay Washington laban sa NLEX. Siya ay tinulungan nina Kelly Williams (18 puntos), Jayson Castro (15) at rookies Matthew Ganuelas Rosser (13).
Ang Meralco, na ngayon ay hawak ni coach Norman Black, ay dumaan sa dalawang overtime periods bago napayuko ang Barako Bull, 112-108.
Ang Bolts ay pinangunahan ni Reynell Hugnatan na nagtala ng 28 puntos. Nag-ambag ng 14 si Sean Anthony, 13 si John Wilson at tig-10 sina Simon Atkins, Cliff Hodge at John Ferriols.
Umaasa naman si Blackwater coach Leo Isaac na kahit paano ay natuto na ang kanyang mga manlalaro sa masaklap na nangyari sa kanilang unang dalawang laro kung saan lumamang sila ng malaki subalit hindi napanatili ito hanggang sa dulo.
Ang Elite ay may 0-2 karta matapos na matalo sa Kia (80-66) at Rain or Shine 82-75).
(SABRINA PASCUA)