TINARAK ni Pinoy woodpusher James Calacday ang back-to-back wins matapos kaldagin si Jaturapak Suwandeelerd sa sixth at penultimate round ng 9th Thailand Junior Chess Championship 2014-Open U 8 sa Pantip Hall, 3rd floor, Pantip Plaza Chiang Mai, Chiang Mai Province kahapon.
Inupuan ni 7-year old Calacday ang solo second spot matapos ilista ang five points mula sa limang panalo at isang talo sa event na ipinatutupad ang seven-rounds swiss system.
Sa round five, pinagpag nito si Thailander chesser Tanakom Tuwatananurak.
Solo naman sa unahan si Chawit Mekarapiruk na may malinis na six puntos matapos payukuin si Teewasu Siladaeng.
Makakaharap ni Calacday sa last round si seed No. 5 Noppakun Promchan ng host country habang katapat ni Mekarapiruk si Aphithep Srichawla.
Bago nakatikim ng talo si Calacday kumadena muna ito ng tatlong panalo sa rounds 1, 2 at 3.
Sa fourth round ay yumuko si Calacday kay Mekarapiruk.
Samantala, nabigo naman ang ama ni James na si Henry Calacday sa Chiang Mai Chess Challenge Championship 2014.
Yumuko ang matandang Calacday (elo 1942) kay seed No. 2 Maksim Ashomkin (elo 2020) ng Russia.
Napako sa fourth points si Calacday kaya naman sumalo siya sa third to fifth place ng team standings.
Kailangan manalo ni Henry sa final round kontra kay Piya Thatsanasri upang makapasok sa top three sa nasabing event. (ARABELA PRINCESS DAWA)