NAGING bida ang head coach ng Purefoods Star Hotdog na si Tim Cone sa isang artikulong inilabas ng isang sports website sa Amerika tungkol sa kanyang pagiging hasa sa triangle offense.
Sa nasabing artikulo, sinabi nina Mike Prada at Doug Eberhardt ng SBNation na si Cone ay ang “world’s foremost apostle” ng triangle offense na una niyang ginamit sa Alaska at ngayon ay sa Purefoods kung saan dinala niya ang Hotshots sa Grand Slam noong huling PBA season.
“The world’s foremost apostle for the Triangle offense does not coach in the NBA. He doesn’t coach in college or American high school, either. He doesn’t coach in the United States at all,” sulat nina Prada and Eberhardt. “His name is Tim Cone.”
Sa nasabi ring artikulo ay binanggit ni Cone na inalam niya ang triangle offense dahil sa kanyang panonood ng mga laro ng Chicago Bulls ni Michael Jordan kung saan si coach Phil Jackson ang unang gumamit ng nasabing opensa.
“I went full bore on the offense in 1993, but unfortunately, I was teaching it at the same time I was learning it,” ani Cone. “It was our worst year ever. But the next year, 1994, was our best year ever. I’ve been running the triangle ever since.”
Ayon din sa artikulo nina Prada at Eberhardt, hindi gaanong ginagamit ang triangle offense sa NBA kahit naging matagumpay ang paggamit nito ng Bulls na nagwagi ng anim na korona sa liga sa pangunguna nina Jordan.
James Ty III