MAUGONG ang pangalan ni No. 1 overall pick Stanley Pringle at kasama siya sa “three-headed monster ng Global Port Batang Pier subalit binura ito ng tinagurian “The Rock” ng Philippine Basketball Association (PBA) na si Asi Taulava.
Kumana ang 41-anyos na si Taulava ng 21 points, walong rebounds at limang assists upang paluhurin ng NLEX Road Warriors ang Global Port, 101-96 noong Martes sa 2014 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Hawak ng Batang Pier ang manibela, 92-88 may 2:44 minuto na lang sa fourth period nang isalpak ang three-point shot ni Terrence Romeo na isa sa ‘three-headed monster’ na kasama ni Pringle.
Subalit nangalabaw sa ilalim si Taulava para tulungan ang NLEX na makuha ang come-from-behind win laban sa Batang Pier na nakalamang ng 10 puntos sa unang dalawang quarters.
Bumira ng isang tres si Nino ‘KG’ Canaleta kasunod ang three-point play ni Taulava kay Nonoy Baclao para sa 94-92 bentahe ng NLEX sa huling 1:42 minuto sa payoff period.
Muling bumanat si Taulava para selyuhan ang panalo ng NLEX.
Bukod sa NLEX, ang mga koponan na nakauna ng panalo ay ang San Miguel Beer na kinaldag ang Rain or Shine Elasto Painters, 87-79 at KIA Motors Sorento at Barangay Ginebra Gin Kings na mga nagsipagwagi sa pagbubukas ng nasabing liga.
Arabela Princess Dawa