COTABATO CITY – Umaabot sa 1.031 kilo ng shabu ang nakompiska ng pulisya sa lungsod ng Cotabato dakong 8:30 p.m. kamakalawa.
Ayon kay Cotabato City police director, S/Supt. Rolen Balquin, na-intercept ng mga awtoridad ang isang Izuzu Elf sa Purok Pag-asa, Brgy. Datu, Balabaran, Cotabato City, nang sitahin ang driver na si Tato Fermin kung ano ang laman ng kanyang bag at sumagot siyang ito ay marijuana.
Ngunit nang tingnan ng pulisya ang laman ng bag ay nakita ang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P6.7 milyon.
Kasama sa mga hinuli sina Alma Fermin at Fajad Guiapar.
Bago ito, nakatanggap ng ulat ang pulisya na may ipapasok na malaking halaga ng droga sa lungsod kaya agad nagsagawa ng checkpoint ang mga awtoridad.
Ang mga suspek na agad tinurn-over sa mga tauhan ng PDEA-12, ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drug Act.