NAGHAIN si Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV, kilalang nagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga guro, ng dalawang panukalang batas na magbibigay ng dagdag benepisyo sa mga guro mula sa mga pampublikong paaralan.
Ang isa ay nagtataas sa minimum salary grade ng mga guro sa pampublikong paaralan, habang ang isa naman ay lilikha ng plantilla positions para sa mga boluntaryong guro.
“Ang ating mga guro ay pangunahing tagapagsulong ng edukasyon sa ating bansa. Sila ay tinitingala at itinuturing na tagapaghubog ng mga kabataan. Ngunit sa kabila nito, sila ay isa sa may pinakamaliit na natatanggap na sahod at ‘di nabibigyang-pansin na propesyon sa bansa,” ani Trillanes, tagapangulo ng Senate Committee on Civil Service and Government Reorganization.
Sa ilalim ng SBN 487, ang minimum salary grade ng mga guro sa mga pampublikong paaralan ay itataas sa Salary Grade 20 na may katumbas na P36, 567.00 base sa kasalukuyang Salary Standardization Law, mula sa kasalukuyang Salary Grade 11 na may katumbas na P18,549.00 lamang.
Ang nasabing pagtaas, ayon kay Trillanes, ay magbibigay sa mga guro ng disenteng sahod na nararapat sa mga sakripisyong ginagawa nila upang magkaroon ng maayos na edukasyon sa bansa.
Isa pang mahalagang panukala ang SBN 636 na naglalayong lumikha ng mga plantilla position sa Department of Education para sa mga boluntaryong guro na nagsisilbi sa mga pampublikong paaralan nang hindi bababa sa limang taong tuloy-tuloy na serbisyo.
“Sa halip na ipatupad ang ambisyosong K to 12 Program na magpapalala lamang sa nakapanlulumong kondisyon ng edukasyon sa bansa, dapat munang tugunan ng pamahalaan ang mga isyu na may kinalaman sa kapakanan ng ating mga guro,” diin ni Trillanes
Si Trillanes ay isa sa mga may-akda ng Salary Standardization Law 3 na nagtaas ng sahod ng mga kawani ng gobyerno noong 2008. (HNT)