PINALUHOD ni Pinoy super grandmaster Wesley So si American GM Timur Gareev upang sumampa sa semifinals round ng 2014 Millionaire Chess Open sa USA.
Umabot sa 42 moves ng Ruy Lopez bago pinagpag ni top seed So (elo 2755) si Gareev (elo 2612) upang makalikom ang Pinoy ng six points matapos ang seventh round.
Ang top four pagkatapos ng pitong rounds ay papasok sa Final Four kung saan maglalaro ng dalawang knockout games para malaman ang magbubulsa ng $100,000 na nakalaan para sa magkakampeon sa nasabing event.
Pumasok sa semis sina GM Ray Robson (elo 2628) ng USA, GM Yu Yangyi ng China at GM Sergey Azarov (elo 2639) ng Belarus
Anim na puntos din ang nilikom ni Robson subalit nabiyayaan kay 21-year old So ang No. 1 spot matapos ipatupad ang tie-break points.
Tumersero si Yu habang lumanding sa pang-apat si Azarov na may tig 5.5 pts.
Kinana ni Robson si GM David Berczes (elo 2471) ng Hungary matapos ang 62 sulungan ng Ruy Lopez.
Samantala, dahil sa panalo ni So, umakyat ito ng isang baitang upang makapasok siya sa top 10 sa World ranking.
Sa pitong laro, pitong puntos ang naidagdag sa elo rating ni So kaya naman may live rating na siya na 2762 para ungusan si former World Champion GM Vladimir Kramnik (elo 2760) ng Russia.
May posibilidad pang umangat si So dahil may natitira pa itong dalawang laro.
Kinapos naman sina Pinoy GMs Julio Catalino Sadorra at Rogelio “Banjo” Barcenilla at IM Ricardo De Guzman na makapasok sa Top 4.
May five puntos si Sadorra matapos ang seventh round habang tig 3.5 puntos sina Barcenilla at De Guzman.
(ARABELA PRINCESS DAWA)