KLINARO ng ahente ni Chris Newsome na si Charlie Dy ang mga pahayag ni Tanduay Light coach Lawrence Chiongson tungkol sa kaso ng dating manlalaro ng Ateneo Blue Eagles na pumirma ng kontrata sa Hapee Toothpaste sa PBA D League.
Ayon kay Dy, natanggap niya ang alok ni Chiongson ilang oras pagkatapos na lumipas ang limang araw na grace period ng liga para sa mga rookie draftees.
Idinagdag ni Dy na naging free agent si Newsome pagkatapos na hindi nakipag-usap kaagad ang kampo ng Tanduay sa kanila kaya pumirma na lang si Newsome sa Hapee.
“Gusto niya mag-Hapee dahil nandoon si coach Ronnie Magsanoc and sa Ateneo ang practice. Sabi niya kung puwede sa Hapee na lang siya,” ani Dy. “Papaano ko itatago eh nandito si Newsome, nandito ako. Friends naman kami ni (Tanduay team manager) Jean Alabanza sa Facebook and coach Lawrence sa Twitter. Nag-consult ako sa PBA office. Wala akong tinago. Siya ang mag-dedecide. We discuss matters pero at the end of the day, the player decides.” (James Ty III)