INIHAYAG kahapon sa korte ng isa sa mga testigo ng depensa na dinala sa bahay ng isang monsignor ang pork barrel scam whistleblower na si Benhur Luy sa Makati City.
Sa pagdinig sa Makati City Regional Trial Court (RTC), Branch 150, kaugnay sa kasong serious illegal detention na kinakaharap ni Janet Lim-Napoles, inamin ng isa sa mga testigong iniharap ng depensa na si Abelardo Hernales, dinala si Luy sa bahay ni Monsignor Josefino Ramirez, tinawag na ‘Bahay ni San Jose’ sa 52 Lapu Lapu St., Brgy. Magallanes Village, noong Disyembre 2012.
Una nang inihayag, sa ‘Bahay ni San Jose’ ikinulong ng magkapatid na Napoles at Lim si Luy.
Sinabi ni Hernales, sa pagkakasabi sa kanya ni Ramirez, pansamantalang mananatili sa naturang bahay si Luy para sa isang “solitude.”
Sa pananatili ni Luy sa ‘Bahay ni San Jose’ ang ginagawa ay araw-araw na nagbabasa ng Biblia at magsulat sa dala-dalang notebook.
Ipagpapatuloy pa ang direct examination kay Hernales sa Oktubre 24.
Siya ay pang-apat na testigo na iniharap ng depensa.
ni JAJA GARCIA