NAGPALABAS ng travel advisory ang pamunuan ng Philippine Consulate para sa kaligtasan ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa harap nang patuloy na tensyon bunsod ng kilos protesta sa Hong Kong.
Ayon kay Philippine Consul General Bernardita Catalla, pinaalalahanan niya ang mga kababayan na iwasan munang magtungo sa mga lugar na may kilos protesta upang hindi madamay sa kaguluhan.
Mapanganib aniyang magtungo sa mga lugar na may kilos protesta ang mga Filipino dahil maaaring mapagkamalang nakikisali sa demonstrasyon at madampot ng mga awtoridad.
Sa Oktubre 1 at 2 ay holiday sa Hong Kong, kaya’t ayon kay Catalla kung nais ng mga kababayan na mamasyal ay iwasan ang mga lugar na may demonstrasyon.
Maaari aniyang magtungo na lamang sa malls, parke o iba pang ligtas na lugar.
Nilinaw ni Catalla at ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala pang Filipino na nasaktan sa tensiyon sa Hong Kong.
Tinatayang nasa 185,000 ang mga Filipino sa Hong Kong 175,000 sa nasabing bilang ay OFWs habang nasa 10,000 ang mga residente.
Paralisado ngayon ang malaking bahagi ng Hong Kong bunsod nang lumalawak na pag-aaklas sa lungsod.