NGAYONG araw, gigisahin sa Senado si Director General Alan LM Purisima, hepe ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa akusasyong mga kuwestiyonableng yaman niya.
Isa sa unang nasilip kay Purisima ang kanyang yamang –mansyon na nasa San Leonardo, Nueva Ecija. Idineklarang P3 milyon daw ang halaga ng mansion pero tila isang malaking kasinungalingan daw ang idineklarang halaga.
Ipasasagot din sa hepe ang ‘proyektong’ pagsasaayos niya sa white house sa Kampo Crame. Ang white house sa ‘pabahay’ ng PNP para sa mga uupong chief PNP.
Sinasabing ang pagpapagawa sa white house ay hindi mula sa kaban ng bayan at sa halip ay mula sa mga donasyon. Donasyon mula raw sa ilang malapit sa puso ni Purisima.
Naku, magkakaalaman na kung sino ang nagsisinungaling.
Hindi lamang ito ang sinisilip kay Purisima kundi marami pa raw siyang ari-arian tulad ng condominium na hindi niya idineklara sa kanyang SALN.
Kinukuwestiyon dito ay kung paano siya nagkaroon ng mga kayamanan, gayong magkano lang ang kanyang sahod. Sahod? Tiyak na malaki ang sahod n’yan, este suweldo pala.
Kung hindi man ihaharap ni Purisima ang talaan ng kanyang mga kayamanan, ani Senado Grace Poe ay kompleto na siya ng mga dokumento hinggil sa assets ni Purisima at nakuha niya ito sa isang mapagkatiwalaang source.
Naku paktay kang Purisima. Hindi naman siguro at sa halip kaya naman siguro ipaliwanag ni Purisima kung saan galing ang kanyang yaman.
Magkakabukuhan na kaya? Ipagtatanggol pa kaya ni pangulong Konsintidor este, Noynoy si Purisima kung sakaling mabubuko na ang mama?
Matatandaan na sa pagbatikos kay Purisima kaugnay sa akusasyon sa kanya, halos halikan na ni PNoy si Purisima sa puwit sa pagtatanggol at hindi pinapansin ang panawagang sibakin na si Purisima sa puwesto.
Oo pinasisibak si Purisima dahil sa mabilis na ‘pagresponde’ ng mga pulis sa krimen.
Yes, sa buong mundo kasi ang PNP ang pinakamabilis sa pagresponde sa krimen. Hindi sila dumarating na late kundi nagaganap pa lamang ang isang krimen ay naroon na sila. Paano kasi, mga pulis ang nasa likod ng krimen. Ha ha ha… hindi naman mga pulis kundi ilan lang naman sa mga pulis.
Talo ng PNP ang pulisya ng USA sa pagresponde sa krimen.
Sa US, mga dalawang minuto matapos ang krimen ay naroon na ang mga reresponde pero sa ‘Pinas, magaganap pa lang ang holdapan, kidnapping, hulidap ay naroon na ang pulis. Ayos!
Ano pa man, magkakabukuhan na pero ang malaking katanungan, may patutunguhan kaya ang imbestigasyon?
Hindi lang kasi ngayon ang lifestyle check sa mga opisyal at kagawad ng PNP kundi noon pa man ay nauso na pero walang nangyari at sa halip, parang bulang naglaho sa ere ang kampanya. Walang nakulong na pulis hinggil dito.
Kaya maraming pulis pa rin ang kampante. Wala raw kuwenta ang gagawin ng Senado hinggil sa lifestyle check investigation.
Narinig ko nga sa dalawang opisyal ng QCPD, hindi naman kataasan ang kanilang suweldo pero ang sahod siguro nila ay mataas. Hindi raw sila natatakot dahil bukod nga sa hanggang simula lang ang lahat ay malamang na hindi sila abutan ng imbestigasyon dahil bukod sa mababang opisyal lamang sila at mauuna muna ang mas matataas na opisyal na imbestigahan.
Kunsabagay, may mangyayari nga kaya sa lifestyle check investigation sa mga pulis natin?
Akalain ninyo maging PO1 na ngayon ay naka-Fortuner na sila. Ang monthly amortization nila para sa car loan ay P25,000 hanggang P30,000. Kuwestiyonable nga ito.
Sana…sana….sana… may mangyayari na.
Sana….sana…sana hindi konsintihin ni PNoy kung may masasabit siyang paboritong pulis sa investigation alang-alang din sa kampanya niyang tuiwd na daan.
Abangan!
Sino naman si Police Officer Dela Torre na siga raw ng Pasay? Marami raw siyang binubuhay sa kanyang ‘negosyo.’ Kabilang ba si Chief PNP sa binubuhay ni Police Officer Dela Torre? Saan naman kaya nakatalaga si Dela Torre?
***
Para sa inyong suhestiyon, reaksyon, komento at reklamo, magtext lang sa 09194212599.
Almar Danguilan