MAHABA-HABANG panahon na rin noong ako’y nakapagbiyahe sakay ng eroplano.
Ang huli kong paglalakbay ay sa Taiwan mahigit tatlong taon na ang nakalilipas. Sa Terminal 1 o lumang gusali ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ako dumaan noon.
Noong Lunes, Setyembre 22, muli akong umalis at sa Terminal 3 o bagong NAIA building ako dumaan. Porke 7 a.m. ang departure ng Cebu Pacific, 5 a.m. ay nasa NAIA na ako.
Pagpasok ko sa NAIA Terminal 3, ramdam ko agad ang init ng paligid at halos lahat ng tao sa loob ay pinapawisan. At lalo pang uminit ang aking ulo nang sabihin sa akin ng mga taga-Cebu Pacific na delayed ang aking flight nang dalawang oras. Mantakin ninyong dalawang oras akong nagpapawis sa NAIA 3 bago lumipad at nakaalis ang aking eroplano patungong Davao.
Mula 5 a.m. at halos dalawang oras sa erop-lano ay hindi ako nakahitit ng sigarilyo. Kaya paglabas ko sa Davao airport, agad akong dumukot ng sigarilyo sa bulsa at sinindihan ito. Pero agad din naman akong nilapitan ng isang lalaki na nagsabing: “Sir, bawal ang manigarilyo.”
Sa loob ng sasakyan ng aking kaibigan na sumalubong sa akin ay bawal pa rin ang manigarilyo. Sa loob ng toilet ng opisina ng kaibigan kong tinuluyan, nakapaskil ang babala: “No smo-king, please.” Sa buong lungsod ng Davao ay bawal manigarilyo, kahit nasa kalsada ka.
Ang traffic ay maluwag at disiplinado ang mga tsuper, mga mare at pare ko, na malayong-malayo kung ikukumpara sa Metro Manila.
Tandaan!
***
SA pagtatanong ay nalaman ko na lahat ng tao sa Davao City ay sumusunod sa batas, at kahit ang kanilang alkalde na si Rodrigo Duterte ay nagbabayad ng multa na P500 sa overspeeding.
Walang bawal na droga sa Davao City dahil ang mga drug pusher dito ay pinapatay.
Walang nangangahas magpaputok ng firecrackers kapag bagong taon dahil bawal din. Masama tuloy ang loob ng maraming negos-yante ng firecrackers at sigarilyo na tulad ni Lucio Tan nang dahil sa mga kautusan ni Mayor Rodrigo Duterte.
Nang simulan ang mahigpit na pagpapatupad ng “Batas Duterte” ay marami ang nagalit.
Pero ngayon, ang halos lahat sa Davao City ay masaya na. Nakalalakad sila kahit gabi na walang pangamba. Ang lungsod ng Davao ay maituturing na “The best city in the Philippines.”
Himukin kaya natin si Mayor Duterte na ma-ging “guest mayor” sa Maynila, Quezon City o Pasay City kahit dalawang linggo lang, mga mare at pare ko, para sa matinding pagbabago?
Manmanan!
***
NAGAGALIT daw si Mayor Duterte kapag may nagsabi na tumakbo siya para pangulo sa 2016.
Pero ayon sa ilang malalapit na kaibigan ng alkalde na aking nakausap, may lihim na plano si Duterte. Tatakbo raw si Duterte sa pagkapangulo sa 2016. Ayaw lang daw niya ihayag ito dahil malayo pa ang halalan. Kung ihahayag niya ang kanyang plano, tiyak na puputaktihin daw siya ng batikos at sisirain, tulad ng ginagawa ngayon kay Vice Pres. Jejomar Binay.
Kaya kayo, mga mare at pare ko, gusto ba ninyo ng tunay na katahimikan at mawala ang mga kawatan sa gobyerno? Gusto ba ninyo ng tunay na pagbabago sa ating lipunan? Kung ganu’n, himukin natin na tumakbo sa pagkapa-ngulo si Rodrigo Duterte sa 2016.
Abangan!
***
TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.
Ruther Batuigas