NAPATANUYAN ang pagmamahalan ng magsing-irog na umabot ng 700 taon sa pagkakadiskubre ng kalansay ng dalawa sa ginawang paghuhukay sa isang kapilya sa England.
Natagpuan ng mga archeologist ang ‘happy couple’ na magkahawak pa ng kanilang kamay sa libingan habang naghuhukay sila sa tinaguriang ‘lost chapel’ sa Leicestershire.
“Dati nang nakakita kami ng kahintulad na mga kalansay mula sa Leicester na inilibing ang makasintahan sa iisang libi-ngan,” ani Vicki Score, University of Leicester Archaeological Services (ULAS) project mana-ger.
Hindi umano pambihira ang mga double grave subalit nakagugulat na ang dalawang katawan ay inilibing sa sina-sabing ‘lost’ chapel ng St. Morrell, na kamakailan lang nadiskubre ng isang lokal na historian at isang team ng mga researcher sa halip ng lokal na simbahan.
“Ang pangunahing tanong ay bakit sila inilibing dito? May maayos na simbahan sa Hallaton,” dagdag ni Score. “Napaisip tuloy kami kung ang nasabing kapilya ay nagsilbing espesyal na lugar para sa paglilibing noong kapanahunan nito.”
Halimbawa, maaaring nagsilbi ang lugar na place of pilgrimage sa Hallaton, isang baryo sa silangan ng Leicestershire, noong ika-14 na siglo, paliwanag ng mga researcher. O kaya nama’y inilibing ang ‘couple’ sa Chapel of St. Morrell, at hindi sa main church, dahil mga kriminal sila, mga dayuhan o kaya namatay sa sakit.
Gumugol ang mga ULAS archaeologist at lokal na volunteer sa nakalipas na apat na taon para hukayin ang lost chapel ng St. Morrell, malapit sa baryo ng Hallaton. Natagpuan ng team ang ebidensya na ang paggamit ng gilid ng burol ay umabot noong panahon ng pagsakop ng mga Romano sa Inglatera, mahigit 2,000 taong nakalipas.
Kinalap ni Tracy Cabrera