Saturday , December 28 2024

Krisis sa pumunuan ng PNP

00 firing line robert roque
PARA sa nakararami, ang Philippine National Police (PNP) ay kasalukuyang nakabaon nang hanggang leeg sa mga isyu na kumukuwestyon sa integridad, sinseridad at katapatan nito bunga ng krisis sa pamunuan, na agad tumutukoy sa Chief nito na si Director-General Alan Purisima.

Ngayon may mga pulis tayo na walang hiya-hiya sa pagdukot ng mga tao na tinutukan nila ng baril kahit tanghaling tapat sa EDSA, pagnanakaw ng kanilang milyones at palabasing lehitimong police operation ang naganap.

Mga pulis din mismo ang lumabag sa batas nang kanilang abangan at paslangin ang 13 katao upang burahin sa mundo ang isang karibal sa jueteng sa Quezon; dukutin at tangkaing kotongan ng P10 milyon ang isang negosyante sa Malolos, Bulacan; nakawan ng P100,000 ang isang mag-asawa sa Malate, Manila; magbenta ng shabu sa Pampanga; tambangan at patayin ang isang international racing champion kapalit ng P100,000, at marami pang puwedeng banggitin kung hindi tayo kakapusin ng espasyo.

Lahat ng ito ay naganap sa ilalim ng pamumuno ni Purisima, kaya marami ang kumukuwestyon sa kanyang pangangasiwa. Ang pinakamahuhusay na pinuno ay namumuno bilang halimbawa, kaya may mga nagtatanong kung ano ang halimbawa na ibinibigay ni Purisima sa mga pulis para mangyari ang lahat ng ito?

Si Purisima ay sangkot din sa ilang kontrobersya tulad ng “White House” sa loob ng Camp Crame, ang itinalagang opisyal na paninirahan ng PNP Chief, na itinayo umano sa halagang P25 milyon.

Ang sabi ng PNP noon ay wala silang ginastos kahit isang sentimo sa konstruksyon nito dahil ang nag-sponsor sa gastos, ang grupong Free and Accepted Masons of the Philippines.

Pero sa isang ulat ay pinasinungalingan ito ng isang senior member umano ng Masons na ayaw magpabanggit ng pangalan, sa pagsasabing ang mga miyembro nila ay nagalit na nakakaladkad ang pangalan ng kanilang asosasyon sa kontrobersya “upang matakasan ang galit ng publiko kaugnay ng isyu.

Ang pagkabigo ni Purisima na dumalo sa pagdinig ng Senado kamakailan sa tumataas na bilang ng krimen ay umani ng galit ni Senator Grace Poe, na pumuna sa ilang ulit nang hindi pagharap ng PNP Chief sa mga naunang pagdinig.

Pero sa kabila ng maraming panawagan na magbitiw si Purisima sa puwesto ay hindi nawala ang tiwala ni President Aquino sa itinalaga niyang opisyal para mamuno sa PNP.

Isa pang isyu na bumubuntot kay Purisima sa mga nakalipas na buwan ang patuloy niyang pagtanggi na isapubliko ang kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

Ang SALN ng pulis ay sensitibong isyu sa ngayon, lalo na nang matuklasan na ang isang opisyal ng pulis na sangkot sa insidente ng pagdukot at pagnanakaw sa EDSA ay may net worth na P6.1 milyon, kahit na P605,133 lamang ang taunang suweldo niya.

Maliwanag na may problema at hindi biru-biruan ang isyu, kaya inutos ni Interior Secretary Mar Roxas na magsagawa ng “top-to-bottom lifestyle check” sa PNP. Pero paano nila titiyakin sa publiko na magiging parehas ang pagsusuring magaganap kung ang gagawa nito ay mga opisyal mula rin mismo sa loob ng PNP?

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

Robert B. Roque, Jr.

About hataw tabloid

Check Also

Atty Joji Alonso Lorna Tolentino Judy Anne Santos Chanda Romero Espantaho

Juday, Chanda, Lorna nagpatalbugan, ilang eksena sa Espantaho makapanindig balahibo

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio IBANG klase talaga itong si direk Chito Rono. Forte talaga niya …

Coco Martin Julia Montes Topakk

Coco hindi naitago pagkabilib kina Arjo at Julia, Topakk pang-internasyonal

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio BILIB na bilib si Coco Martin kay Julia Montes kaya hindi ito napigilang sabihing, …

Offload

Offload direktor na si Rommel Ricafort, saludo sa husay ni Allen Dizon

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio MATAGUMPAY ang ginanap na special screening ng pelikulang Offload sa Gateway Cineplex, Cubao …

Chavit Singson 58 Days ng Milyong-Milyong Pa-Premyo

1-M views sa ikalimang  araw ng Chavit online game show

PUMALO na sa mahigit 1 milyon ang mga tagasubaybay ng ika-5 episode ng 58 Days ng …

Sue Ramirez Dominic Roque

Dom at Sue exclusively dating

PUSH NA’YANni Ambet Nabus ABA’Y date movie na rin lang ang usapan, sure na sure …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *