PANANAW ng KurotSundot, magreretiro si Floyd Mayweather Jr. na walang bahid talo ang kanyang ring record.
Bakit natin nasabi iyon?
Unang-una, hindi niya lalabanan si Manny Pacquiao kahit ano ang mangyari. Magkapitpitan man ng yagbols, hinding-hindi maikakasa ang nasabing laban.
Tingin kasi ng Team Mayweather, tanging si Pacman lang ang may dala ng susi kung paano matatalo ang tinaguriang MONEY ng boksing.
Iyon ay kung hihiga pa sa lona si Mayweather. Pero kung hindi, palagay natin, kahit pa nga si Pacman ang makaharap niya, hindi matatalo si Floyd.
Mananatiling pabor sa kanya ang desisyon.
Bakit nga ba hindi? E, parating mga KANO ang inilalagay na judge sa bawat laban ni Floyd. E, kanino nga ba nila ibibigay ang desisyon?
Alalahanin natin na gumagawa ng kasaysayan si Mayweather sa boksing. At malaki ang gagampanang papel ng mga hurado para makamtam iyon ni Floyd.
Nakikita ba ninyo sa bawat laban ni Mayweather?—na sa bawat round ay pinanatili nito ang kanyang mayabang na postura kahit pa nga tinatamaan siya. Isang paraan iyon para MADAYA ang mga manonood. Inaakala ng lahat na dominado niya ang laban.
Pero kung bibilangin mo ang suntok ni Floyd, hindi lalagpas iyon sa sampu hanggang dalawampu kada round. Pero sa stats, higit pa roon ang inirerehistro nila.
Katulad na lang ng laban ni Mayweather kay Marcos Maidana sa rematch nila nito lang buwan. Sa round 3, kitang-kita ng mga nasa ringside na NATANGGALAN NG NGIPEN sa Round 3 si Floyd sa isang kanang suntok ni Maidana. Pero pinanatili ni Mayweather ang mayabang na postura na parang hindi siya nasaktan.
At ito namang mga hurado—ganadung-ganadong bigyan ng puntos ang kanilang kababayan.
Opinyon lang natin—posibleng magkasabwat itong si Floyd at mga hurado para dayain ang publiko.
Haaay buhay boksing. Pinanonood pa ba ninyo ang laban ni Mayweather?
Hindi ba nakakainip ang bawat round?
Pero kung ako ang tatanungin ninyo—pinanonood ko. Aba’y gusto ko yatang makaidlip kahit sandali. At kapag napapanood ko ang laban ni Floyd—madali kong nahahanap ang antok. He-he-he.
Alex L. Cruz