‘ITO’y isang milagro at idinarasal naming magdadala ng swerte’: sinasamba ngayon ng mga lokal na residente sa isang baryo sa India ang pagsilang ng isang guya na may sinasabing ‘third eye’ at pinaniniwalaang reinkarnasyon ng diyos ng mga Hindu na si Shiva.
Isinilang ang guya sa baryo ng Kolathur sa Tamil Nadu, southern India. Kakaibang feature nito ang ikatlong mata na matatagpuan sa mismong noo, na katulad din ng makikita kay Shiva.
Daan-daan ngayon ang duma-dalaw sa baryo ng Kolathur para makita ang espesyal na guya—ang ilan nagmula pa sa malalayong baryo para sambahin ang pinaniniwalaan nilang reinkarnasyon ng di-yos na si Shiva.
Paliwanag ng isa, si Sharmila: “Isinilang ang guya na may tatlong mata kaya naniniwala kami na si Shiva, ang diyos na may tatlong mata, ang isinilang dito.”
Para naman sa bagong silang na guya, para bang walang alam o hindi niya nararamdaman ang biglang katanyagan at nagpakita lamang ng pagkakontento sa pag-alaga sa kanya ng kanyang may-ari.
Si Shiva ay isa sa pangunahing diyos ng Hinduismo, at Supreme Being ng Shaivism, isa sa pinakamaimpluwensyang denominasyon sa loob ng Hinduismo. Isa sa mahalagang feature ni Shiva ang kanyang ‘third eye’ na nasa gitna ng kanyang noo, na kayang bumuga ng apoy. Kapag nagalit si Shiva, binubuksan niya ito para sunugin ang ano mang bagay hanggang maging abo.
Kinalap ni Tracy Cabrera