SINAMPAHAN ng mga kasong multiple counts ng reckless imprudence resulting in homicide and psychological trauma, multiple counts ng paglabag sa RA 7610 (Child Abuse), paglabag sa RA 3019 (Graft and Corruption), multiple counts ng grave misconduct, at multiple counts ng grave neglect of duty sa Office of the Ombudsman ang pamunuan ng Bulacan State University (BSU).
Ito ay kaugnay sa pagkamatay ng pitong first year college students sa kursong Tourism, sa ginanap na field trip sa Madlum river, sakop ng Brgy. Sibul, sa bayan ng San Miguel, Bulacan noong Agosto 26, 2014.
Ang mga kinasuhan ay si BSU president, Dr. Mariano de Jesus, at ang walong mga opisyal ng nasabing unibersidad, gayundin si Erwin Valenzuela ng Adventours Travel Agency, ang dalawang BSU student na sina Jermaine at Angelo Santiago ng College of Tourism, at ang tatlong Madlum tour guide ng Brgy. Sibul.
Ayon sa magkapatid na sina Atty. Jeric Degala at Atty. Juvic Degala, may hawak ng kaso, inihain nila sa tanggapan ng Ombudsman ang kasong kriminal at administratibo laban sa mga nabanggit na personalidad upang sa isang husgado na lamang dinggin ang mga ito.
(DAISY MEDINA)