KILALANIN ang debotong si Sikh Avtar Singh—ang nag-mamay-ari ng masasabing pinakamalaki at pinakamabigat na turban sa buong mundo.
Ang impresibong headgear ng guru, o banal na indibiduwal, ay tumitimbang ng 100 libra at may sukat na 645 metro ang haba kapag niladlad mula sa pagkakapulupot. Kaya umabot ito mas ganitong haba at timbang ay dahil sa nakalipas na 16 na taon ay dinadagdagan ito ni Singh, na kung minsan ay umaabot sa mahigit na anim na oras para kompletohin.
“Hindi ko kinokonsiderang pabigat ito sa akin. Mas masaya ako kapag suot ko ito,” pahayag ng 60-anyos na guru.
Dahil sa laki ng turban, halos hindi na sumasakay ng anomang sasakyan si Singh
Dahil hindi siya magkasya rito kaya ang tanging paraan ng paglalakbay niya ay sa pagsakay na lamang ng kanyang motorbike habang paroo’t parito sa Punjab region.
Lagi namang umaakit ng maraming tao ang kanyang turban sanhi ng kakaiba nitong anyo—dangan nga lang ay hindi laging positibo ang pagtanggap sa kanya.
“May ilan na talagang napapamangha at sinasabi sa akin, ‘Ang galing mo sa pagdadala ng higanteng turban. Siguro’y pinagpala ka ng maraming enerhiya’,” aniya.
“Pero minsan ay gusto lang nilang kumuha ng larawan, kaya sinisigawan ko silang tumigil.”
Ayon kay Gurpreet Singh, na kung tumawag kay Singh ay Avtar ‘Babaji’ na ang kahulugan ay lolo, nagpapaalala ang turban sa mga kabataang Sikh na ang pagsusuot ng turban ay isang tungkulin ‘na talagang nakabubuti’ sa pagkatao ng isang indibidwal.
Kinalap ni Tracy Cabrera