PINAPABORAN ang Univeristy of the East Red Warriors na makaulit kontra University of Santo Tomas Growling Tigers sa pagtatapos ng double round eliminations ng 77th UAAP men’s basketball tournament mamayang 2 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa ikalawang laro sa ganap na 4 pm ay hangad din ng University of the Philippines Fighting Maroons na makadalawa kontra Adamson Falcons.
Ang Red Warriors ay may 8-5 record at kung mamamayani sila kontra Growling Tigers ay tatabla sila sa National University Bulldogs (9-5). Kung mangyayari ito ay magkakaroon ng playoff para sa ikaapat na puwesto at karapatang labanan ang Ateneo Blue Eagles sa Final Four.
Nang una silang magkita noong Agosto 13 ay dinaig ng Red Warriors ang Growling Tigers, 72-62. Sa larong iyon ay sinamantala ng UE ang pagkawala ni Karim Abdul bunga ng viral infection.
Ang Red Warriors ay nakakuha ng 14 puntos buhat kay Emil Palma at 12 kay Charles Mammie sa una nilang duwelo.
Bagama’t nakabalik na si Abdul sa active duty ay hindi naman sigurado kung paglalaruin pa ni UST coach Segundo dela cruz III ang scorer na si Kevin Ferrer na mayroong injury.
Nabuhay ang pag-asa ng Red Warriors na umabot sa Final Four matapos na magwagi kontra Far Eastern University Tamaraws (94-71) at defending champion La Salle Green Archers (68-66).
Ang FEU at La Salle ay kapwa nakarating na sa Final Four at maghaharap sa isang best-of-three para sa isa sa ticket tungong championship round.
Ang Fighting Maroons ay nanaig sa Falcons, 77-64 noong Agosto . Iyon ang tanging panalo ng UP sa 13 games samantalang ang Adamson ay wala pang panalo sa torneo.
Sabrina Pascua