ISINUSULONG ngayon ng isang mambabatas mula sa Mindanao ang panukalang pagbabawal sa riders magsuot ng helmet dahil sa talamak na krimen na kinasasangkuntan ng ‘riding in tandem’ criminals.
Hindi naman dito kinokontra ni Congressman Celso Lobregat ng Zamboanga City ang batas sa “Helmet Policy.” Isinisingit n’ya lamang sa natu-rang batas ang kapangyarihan ng isang local government na magbawal sa riders magsuot ng helmet kung mataas ang datus ng krimen na kinasasangkutan ng ‘riding in tandem’ sa kanilang lungsod o munisipyo.
May mga lungsod na rin na nagpatupad ng ordinansa na nagbabawal sa riders magsuot ng helmet sa kanilang area of responsibility.
Pabor ako sa panukalang ito ni Cong. Lobregat. Dahil ginagawa nang maskara ng riding in-tandem criminals ang pagsuot ng helmet para hindi sila makilala o mamukhaan kahit pa mahagip sila ng CCTV.
Dito lang sa National Capital Region partikular sa Quezon City at Manila ay napakataas na ng bilang ng krimen na kinasasangkutan ng riding in-tandem – holdap, snatching, pamamaril at carnapping.
Ang Quezon City ay gumawa ng ordinansa na ‘Plaka Vest.’ Pero binatikos ito ng riders. Kaya hindi pa inaaprubahan ni Mayor Herbert “Bistek” Bautista.
Ang Mandaluyong City gov’t ay nagpapatupad ng ordinansang nagbabawal sa riders na mag-angkas ng hindi nila malapit na kamag-anak. Pero binabatikos ito ngayon ng riders at ipinapipigil sa Korte Suprema.
Sa Maynila, nag-iisip pa ang City Council kung anong ordinansa ang kanilang gagawin para masawata ang riding in tandem criminals at kanilang pagkakakitaan. Ehek!
Anyway, sana’y makapasa ang panukalang ito ni Cong. Lobregat. Mabuhay ka, Sir!
Pulis protector ng mga ilegal sa Samar
– Nakakahiya na talaga ang ga balita sa matataas na opisyal ng pulis na mastermind sa mga hienous crimes. Dito nga po sa amin, mga pulis din ang protektor ng illegal logging, illegal fishing, illegal drugs (shabu) at mga illegal na sugal. Dito po yan sa Samar. Sana po ay magkaroon ng imbestigasyon ang pamunuan ng PNP dito sa aming lalawigan. – Concerned Waray
Kalokohan ng mga miyembro ng DEU-Pasay Police
– Pakitutukan nyo naman po ang mga pinaggagawa ng pulis-Pasay na naka-assign sa DEU. Aba’y ginagawa na nilang gatasan ang mga pusher sa Zone 20, Brgy. 195. Bukod sa walang legalidad ang kanilang operasyon, sila pa ang nagiging protektor ng mga ito. Sana po ay makarating ito sa magiting na NCRPO Chief. – 09494564…
Katiwalian sa NIA projects sa Region 8
– Mr. Venancio, pls. don’t publish my number. I’m just a concerned citizen of Region 8. Just want to report sa mga pinaggagawa ng engineering division manager ng NIA (National Irrigation Administration) sa mga ‘completed ghost projects’ na inire-report nila. Kawawa naman yung mga magsasaka na yun lang ang ibinubuhay sa pamilya, ang pagkakaroon ng mataas na ani. Pano magkakaroon ng mataas na ani kung ang mga facilities ay kulang at reported sa central office as ‘complete’ pero ghost projects pala. Mam’ mayaman na po kayo. Kawawa naman ang maliliit na mga tao. Ikaw pa ang tinaguriang ‘bagger woman’, taga-dala ng mga datong ng kontraktor sa central office. Yung tax na binabayad namin napupunta sa pambayad ng mga utang ng gobyerno na kung saan ang NIA ay nakikinabang din. Yung mga kontraktor pa ng NIA ay ang mga watermaster (subcontract) ang tawag sa kanila na according to civil service law bawal yun. – Concerned citizen
(NIA Administrator, paki-imbestigahan ang detalyeng ito. Baka sumabit ka riyan? Uso pa naman ang plunder ngayon).
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio