BAGONG love team na naman ang masisilayan sa episode ng MMK (Maalaala Mo Kaya) ngayong Sabado, Setyembre 13, 2014 sa ABS-CBN.
Magkahalong kaba at saya ang nararamdaman ngayon ng former Pinoy Big Brother All In housemate na si Manolo Pedrosa sa unang sabak niya sa MMK.
Bibigyang-buhay niya ang karakter ni Hiro Mallari, isang binatang mistulang nawalan ng dahilang mabuhay sa pagkawala ng kanyang “one great love” na si Michelle Ann “Mitch” Bonzo, na gagampanan ni Janella Salvador, dahil sa isang aksidente.
Kasama si Mitch sa pitong estudyante ng Bulacan State University na nasawi nang sila ay matangay ng rumaragasang tubig sa Madlum River sa gitna ng kanilang field trip sa Bulacan.
“Napakalaking blessing para sa tulad kong baguhan na maging bida sa isang episode ng ‘MMK.’ Siyempre, marami pa akong kailangang matutuhan sa pag-arte pero gagawin ko po ang lahat para magampanan ko ng maayos ang role ni Hiro, lalo na’t ‘yung pinagdaanan niya ay makaka-inspire rin ng iba na katulad niyang nawalan ng isang mahal sa buhay,” pahayag ni Manolo matapos ang kanyang acting workshop para sa MMK noong Martes (Setyembre 9).
Bahagi rin ng episode na ito sina Lollie Mara, Pinky Amador, Paul Salas, CJ Navato, Raquel Montessa, Yves Flores, at Trina Legaspi. Ito ay sa ilalim ng direksiyon ni Nuel Naval at panulat ni Arah Jell Badayos. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos at creative manager na si Mel Mendoza-Del Rosario.
Sa loob ng 23 taon, bahagi na ng bawat pamilyang Filipino saan man sa mundo ang Maalaala Mo Kaya na bawat Sabado ay nagpapaluha, nagpapangiti, at nagbibigay-inspirasyon sa TV viewers sa pamamagitan ng mga totoong kuwentong buhay na ibinabahagi ng letter-senders ng programa.
Huwag palampasin ang longest-running drama anthology sa Asya, MMK, tuwing Sabado ng gabi pagkatapos ng Wansapanataym sa ABS-CBN. Para sa iba pang updates, mag log on sa MMK.abs-cbn.com, sundan ang @MMKOfficial sa Twitter, at i-like ang Facebook.com/MMKOfficial. I-tweet ang inyong saloobin at opinyon kaugnay ng episode ngayong Sabado gamit ang hashtag na #HiroMitchLoveStoryOnMMK.
Tiyak tutuon ang maraming mata sa istorya ng one great true love na maagang tinuldukan ng kapalarang pagmamahalan.