MEDIA at hindi si Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima ang sinisi ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga ulat na tumaas ang antas ng kriminalidad at dumami ang mga police scalawag.
Sa kanyang talumpati sa ginanap na “Agenda sa mga kabalikat sa reporma” kahapon sa Palasyo, sinabi niya na hindi nabibigyan ng pansin ng media ang solusyon at hindi balanse ang pagbabalita sa mga krimen.
“Nakadedesmaya nga po kung minsan, dahil nakikita natin na kapag may krimeng nangyari, headline sa diyaryo; kapag naman nalutas ang krimen, kailangang hanapin ang kapirasong ulat sa page 20. Hindi naman kalabisang hilingin na maging balanse sa pagbabalita ukol sa krimen, ‘di po ba? Dahil hindi nabibigyang-pansin ang solusyon, hindi maiwasan na may ilang kababayang mag-isip na ang gulo naman sa Filipinas,” sabi niya.
Kitang-kita naman aniya ang pagbabago sa mga numero dahil sa pinakahuling datos, ang dating 31 kaso ng homicide kada linggo sa National Capital Region ay bumaba na sa 20 kada linggo.
Bwelta pa niya sa mga kritiko ni Purisima, hindi lang ngayon nagkaroon ng police scalawags at ang totoo ay napakalaki na aniya ang ipinagbago ng imahe ng pulisya.
Sa katunayan aniya sa pamumuno ni Purisima nahuli, naimbestigahan at kinasuhan ang mga police scalawags na nang-hulidap sa EDSA kamakailan.
(ROSE NOVENARIO)
PNP CHIEF PURISIMA IDINEPENSA NI PNOY
IDINEPENSA ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III si Philippine National Police (PNP) Director General Alan Purisima sa harap ng panawagang magbitiw o sibakin dahil sa sunod-sunod na krimeng kinasasangkutan ng mga pulis.
Sa agenda-setting dialogue sa Malacañang kahapon, iginiit ni Aquino na bagama’t may mga nasasangkot na pulis sa krimen, mga tauhan din ni Purisima ang nakaaaresto sa kanila.
Partikular pang tinukoy ni Aquino ang pagtugis ng mga awtoridad sa mga kabarong sangkot sa EDSA hulidap.
“Totoong may scalawag, pero sino po ba ang nakahuli sa mga nang-hulidap sa EDSA? Mga pulis din po.
Sa pamumuno ni General Purisima, ang nag-imbestiga, tumugis, at nakadakip sa mga salarin na ngayon ay kinasuhan na, kapwa po nila pulis… Makatwiran po bang pagbitiwin sa pwesto si General Purisima na namumuno sa mga pulis na ginagawa nang mahusay ang kanilang trabaho?” tanong ni Aquino.