Sa direksiyon ng blockbuster direktor na si Wenn V. Deramas at sa panulat ni Keiko Aquino, isang horror-drama na maituturing ang Maria Leonora Teresa at ito ay angkop para sa buong pamilya.
Umiikot ang istorya ng Maria Leonora Teresa sa mga magkakakonektang buhay ng tatalong ina na namatayan ng mga anak dahil sa isang brutal na aksidente. Labis na nagluksa ang mga ina na sina Faith, Julio, at Stella dala ng trahedyang ito.
Gagawin ng tatlong ina ang lahat upang manatiling buhay sa kanilang alaala ang mga anak na babae. Hihingi ng tulong ang tatlong ina sa isang doktor na bibigyan sila ng mga manika na kamukhang-kamukha ng kanilang mga anak.
Kakaiba man ang solusyon na hatid ng doktor, tatangapin ito ng mga ina. Malalaman ngayon ng mga ina kung ang mga manika ba ay magdudulot sa kanila ng ginhawa o magdudulot ng mga kahindik-hindik na pangyayari sa kanilang buhay.
Dapat pansinin na lilihis si Deramas sa kaunau-nahang pagkakataon sa comedy genre na siyang dahilan kung bakit siya napamahal sa buong Pilipinas.
Maghahabi siya ng isang istoryang punompuno ng katatakutan at iyakan sa Maria Leonora Teresa.
“Ito ang unang horror ko at sobra akong excited. Minsan dapat tayong maging maingat sa mga hinihiling natin kasi baka magkatotoo. Ipakikita ng ‘Maria Leonora Teresa’ kung hanggang saan ang kayang gawin ng mga ina dala ng pagmamahal sa kanilang mga anak. Ang pagtanggap sa mga trahedyang mararanasan natin ay ang siyang magpapalaya sa atin. Dapat nating harapin ang mga kinatatakutan natin sa buhay,” paliwanag ni direk Wenn.
Kasama sa Maria Leonora Teresa sina Iza Calazado Zanjoe Marudo, at Jodi Sta. Maria.
Ito ang unang horror film ni Iza sa Star Cinema at gagampanan niya ang papel ni Faith, isang mapagmahal na ina na iniwan ang trabaho para sa anak na si Maria. Muli na namang ipamamalas ni Iza ang kanyang husay bilang isang dramatic actress sa pelikulang ito na isinasalawaran niya bilang “exciting at challenging.”
Si Zanjoe ay magpapahinga muna sa comedy sa kanyang pagganap sa papel ni Julio—isang baklang titser na adoptive parent ni Leonora.
Si Jodi, na kilalang-kilala ngayon sa kanyang pagganap sa papel ng fun-loving at masayahing si Maya sa groundbreaking at top-rating daytime series ng ABS-CBN na Be Careful With My Heart, ay isa sa pinaka-versatile na actress sa industirya na mahusay at epektibo bilang bida at kontrabida.
Bukod sa pagiging mahusay na comedienne na kitang-kita sa Be Careful With My Heart, napakagaling din na dramatic actress ni Jodi na halos dalawang dekada ng tumatakbo ang matagumpay niyang karera. Sa pelikulang ito, gagampanan ni Jodi ang papel ni Stella, ang overprotective na ina ni Teresa.
Gagampanan naman ng tatlo sa pinakamagagaling na child stars ng industriya ngayon na sina Red Bustamante, JC Movida, at Juvy Bison and title roles nina Maria, Leonora, at Teresa.
Bahagi ang Maria Leonora Teresa ng 20th anniversary ng Star Cinema at ipalalabas ito sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa simula ngayong Setyembre 17.
ni Reggee Bonoan