Ayon kay Ronnie, hindi siya mapili sa role dahil, “I’m fortunate that I end up doing good materials.” Tulad sa Ikaw Lamang ng ABS-CBN na ginampanan niya ang isang napakahalagang papel bilang assistant ni John Estrada, talagang lumutang ang galing niya bilang isang kontrabida.
Mapa-mainstream o indie, tiyak na nagagampanan ng tama ni Ronnie ang kanyang role. Tulad sa pinakabagong pelikula niyang Tumbang Preso ni Kip Oebanda na mapapanood sa Oktubre 8 sa lahat ng SM Cinema, gagampanan niya ang role ng isang foreman ng isang sardines factory na isang matapang at kinatatakutan ng lahat.
Sa pakikipag-usap namin kay Ronnie, naikuwento nitong ayaw niyang gumanap bilang isang demonyo. “Iyon ang pinaka-ayaw kong role dahil baka hindi iyon makawala sa akin. Hindi ako makaalis sa role na iyon. Baka maipasok ko iyon sa sarili ko. Hindi makaalis sa pagiging demonyo, kumbaga. Baka madala ko hanggang bahay.
“Ang artista tinuturuan to enter the character, pero walang itinuturo sa amin paano lumabas. So maraming artista ang ganoon na nadadala nila sa bahay, isa ‘yon sa liabilities being an actor.”
Kaya ‘wag raw magtaka kung may mga artistang nagiging snub o naiiba ang timpla lalo na kung nasa taping o shooting o galing sa isang pagganap.
“They’re so into their characters that they forget who they really are,” giit pa ni Ronnie.
Kaya naman daw kailangang marunong ang artistang makaalis agad sa character na ginagampanan. “You have to be aware, may awareness ka na pagkatapos nito, snap out ka na. Pagdating sa bahay maging ordinaryong tao ka, maging asawa ka, maghugas ka ng pinggan, maglaba ka.”
Ukol naman sa pagdami ng mga indie film, nasabi ni Ronnie na, “Nakakatuwa lang ang pagyabong ng teknolohiya, talagang hindi mapipigilan ‘yan, lalaki ang independent films,” giit pa niya.
ni Maricris Valdez Nicasio