INAMIN ng head coach ng Barangay Ginebra San Miguel na si Jeffrey Cariaso na nahihirapan pa rin ang kanyang mga bata sa triangle offense ng koponan bago ang pormal na pagbubukas ng bagong PBA season sa susunod na buwan.
Hindi umubra ang triangle ng Kings kontra sa mahusay na tira sa labas ng LG Sakers sa kanilang exhibition na laro noong isang gabi sa Smart Araneta Coliseum kaya nanalo ang mga Koreano, 81-76.
Sampung tres ang naipasok ng Sakers upang tulungan ang kanilang import na si Christopher Massey na gumawa ng 24 puntos at 14 rebounds.
Hindi sapat ang 23 puntos at 12 rebounds ni Greg Slaughter para sa Ginebra na ginamit ang rookie na si Rodney Brondial habang nagpahinga si Japeth Aguilar mula sa kanyang paglalaro sa Gilas Pilipinas.
“We allowed Massey to break our defenses down and that opened up their shooters,” wika ni Cariaso. “I guess we have to rotate quicker and that we have to be more involved defensively. I’m trying to change the culture of our defense although I’m happy with the way we competed.”
Bago ang laro nila kontra Sakers ay natalo rin ang Kings kontra Kia Motors, 73-71, sa isa pang tune-up na laro noong isang linggo.
Ngunit ayon pa kay Cariaso, hindi siya nag-aalala dahil may isang buwan pa ang paghahanda ng Ginebra bago ang unang laro nito sa bagong PBA season. (James Ty III)