PUTOK na putok na naman ang kabulukan ng mga kasapi ng Philippine National Police (PNP). Pulis mismo ang umamin na bumaril at nakapatay kay international racing champion Ferdinand “Enzo” Pastor—si P02 Edgar Angel. Sa tumanyag sa social media na “EDSA hulidap,” 12 aktibo, nasibak at AWOL na pulis ng Quezon City Police District (QCPD) din ang nasangkot. Nasa balag ng alanganin ngayon ang hepe ng QCPD na si Chief Supt. Richard Albano dahil sa QC naganap ang pagpatay kay Pastor at mga pulis-QC ang sangkot sa hulidap sa Mandaluyong City.
Noong nakaraang Biyernes ng gabi (Setyembre 5), may umagaw sa aking backpack sa Cubao pagbabang-pagbaba ko ng bus. Tinangka kong habulin ang isnatser pero inulos niya ako ng saksak. Mabuti at iika-ika ako dahil sa magang paa kaya sinuwerteng hindi ako nadale ng balisong. Nagtangka akong magsumbong sa pulisya pero itinuro ako ng mga pulis na abala sa pakikipag-facebook sa ibang estasyon. Nagtanong-tanong ako sa mga vendor na nagsabing walang mangyayari kahit magreklamo ako dahil pulos pulis-QC ang padrino ng mga isnatser, mandurukot at holdaper sa Cubao kaya umuwi na lamang ako.
Dati akong batang-kalye kaya alam ko ang panganib ng pakikipagsapalaran sa mga elementong kriminal na naghahanap ng mabibiktima sa lansangan. Nagtinda ako ng ice drop, diyaryo, sigarilyo at kung ano-ano pang produkto noong anim na taong gulang pa lamang ako bago naging piyon sa konstruksiyon sa kompanyang may mga kontratang tulay sa Infanta, Quezon at drainage sa Maynila at kung saan-saan pa.
Bilang manunulat at mamamahayag, marami rin akong masamang karanasan sa mga pulis, pinakamalupit ang pagtutok sa aking sentido ng retirado na ngayong pulis-Maynila na si SPO4 Bong Luna sa loob ng isang pampasaherong jeep patungong Malolos, Bulacan. Itutuluyan ko sana ang demanda sa kanya kung hindi nakiusap ang isang opisyal ng Western Police District noon.
Ang hindi ko masikmura ang pagiging inutil ng pulisya sa Antipolo City sa walang habas na pagpatay sa mga urban poor leader sa lungsod. Kilala maging ng mga retiradong heneral ng PNP na naninirahan ngayon sa Antipolo kung sino ang dati nilang kabaro na isang alyas “Major Apol” na utak doon ng land grabbing syndicate pero waring sila pa ang nagbebendisyon sa mga kabulastugan nito. May impormasyon pang si Major Apol din ang nagpapatakbo sa shabu laboratory sa mansiyon ng isang aktibong opisyal ng PNP kaya parang kendi lang na ibinebenta ang ilegal na droga sa mga stall sa Gate 2 ng Cogeo gayundin sa iba’t ibang lugar sa Pagrai Hills.
Kasabwat din ni Major Apol ang isang aktibong pulis na may-ari ng isang bar sa Antipolo City na tawagin na lamang natin sa alyas “P03 Macmac,” ang may alaga naman ng mga hired killer na sina alyas “KC” at alyas “Wewet.” Sina P03 Macmac, KC at Wewet ang katulong ni Major Apol sa distribusyon ng shabu sa Antipolo City at siyempre, maluwag silang nakakakilos dahil nagbubulag-bulagan ang mga pulis-Antipolo. Kung bakit? Tanging ang nagmamantikang labi ng mga pulis-Antipolo ang makapagpapaliwanag.
May ulat na isa kina KC at Wewet ang “kakanta” anumang oras sa National Bureau of Investigation (NBI) para ibunyag ang lahat ng ilegal na operasyon nitong sina Major Apol at P03 Macmac dahil sa “onsehan.” Sa haba ng listahan ng urban poor leaders na napatay sa Antipolo mula noong 2006, tiyak na maraming dating PNP generals ang mabubulgar na nakinabang sa mga ilegal transaksiyon ni Major Apol mula sa land grabbing hanggang drug trafficking at prostitusyon ay cybersex operation. At hindi dapat pagtakhan kung bakit patay-malisya ang mga halal na opisyal ng Antipolo sa mga krimen ni Major Apol lalo’t ipinangangalandakan ng nasibak na pulis na naghahatag siya ng “campaign fund” tuwing halalan. Adaw!
ni Ariel Dim Borlongan