LAKING gulat ng mga tumanggap ng donasyon sa Texas nang makitang napasama sa iba’t ibang item na kanilang isinasaayos ang bungo ng isang tao.
Iniimbestigahan ng pulisya ang insidente matapos na i-report sa kanila ang kakaibang ‘find’ sa mga donasyon na ini-lagak sa isang charity store sa Austin, Texas.
Ayon sa mga medical examiner, ang bungo ay mula sa isang adult na tinatantiyang namatay may dalawang taon na ang nakalipas.
Hindi pa malaman kung ano ang ikinamatay ng may-ari ng bungo at hindi rin alam ng mga medico legal kung sa lalaki o sa babae.
Nadiskubre ang bungo ng staff ng Goodwill store habang nagso-sorting ng mga donasyon sa kanilang outlet sa Austin.
Sinabi ng lokal na pulisya sa nasabing bayan na naniniwala silang walang naganap na foul play sa pagkamatay ng may-ari ng bungo, at may duda rin silang ang bungo ay nagmula sa isang private collection.
Wika ni detective Derek Israel: “Marahil ito ay pag-aari ng isa sa mga nagdonasyon, at bahagi ito ng isang koleksyon o anatomical model.
“Maaaring itinabi ito ng isang estudytante ng medicine, dentistry, o alin mang kurso sa kolehiyo.”
Mayroong 31 outlet ang Goodwill sa Austin at 40 donation center, at sa nakalipas ay nakatanggap na rin naman ng kakaibang donasyon tulad ng bungo.
Pahayag ng tagagapgsalita nito: “Nakatanggap na kami ng prosthetic limbs . . . mga Rolex watch . . . mga Krugerrand. Marami na kaming natanggap na donasyon kaya hindi namin ikinagulat ito.”
Kinalap ni Tracy Cabrera