PINANGALANANG Asian Media Woman of the Year ang ABS-CBN president at CEO na si Charo Santos-Concio ng ContentAsia, isang nangungunang publication na pinagkukunan ng mahahalagang impormasyon tungkol sa entertainment media industry sa buong Asia-Pacific.
Si Santos-Concio ang nanguna sa listahan ng Asia’s Most Influential Women in Media ng ContentAsia na pasok ang pinakamaiimpluwensiyang kababaihan sa industriya. Sa kanya iginawad ng ContentAsia ang titulong Asian Media Woman of the Year dahil sa pangunguna sa pagbubuo at paglulunsad ng mga programa at proyekto sa iba’t ibang media platforms upang maabot ang publiko.
“Espesyal ang award na ito para sa akin dahil kinikilala nito ang tungkulin ko bilang isang storyteller at pinuno ng isang multimedia company. Ikinararangal kong maging kinatawan hindi lang ng ABS-CBN, kundi pati na ng masisigasig na mga Pilipina sa media. Nagpapasalamat ako na nabigyan ako ng oportunidad na maglingkod sa mga Filipino,” aniya.
Pinarangalan siya sa isang gala dinner noong Miyerkoles (Sept 3) sa Grand Hyatt Singapore kasama ng iba pang awardees sa listahan ng ContentAsia.
Bukod pa riyan, nagbahagi rin ng kaalaman si Santos-Concio bilang keynote speaker ng ikaanim na taunang ContentAsia Summit noong Huwebes (Setyembre 4) ukol sa matatagumpay na programa, proyekto, at kampanya ng ABS-CBN. Lubos na pinalakpakan ang kanyang presentation sa nasabing summit na dinaluhan ng content creators, producers, broadcasters, program buyers, programming heads, at executives.
Sa kanyang presentation, ibinahagi ni Santos-Concio na ang sikreto sa likod ng matatagumpay na programa at pelikula ng ABS-CBN ay ang paglikha ng mga istoryang may mga kakaibang karakter na maaaring hangaan at mahalin ng mga manonood.
Pinakatumatak sa mga dumalo ng summit ang mga nakakikilig na eksena mula sa Be Careful With My Heart, mga makabagbag-damdaming sandali mula sa pelikulang Starting Over Again at ang confrontation scenes nina Monica at Nicole sa The Legal Wife.
Naghahatid ang ContentAsia ng mahahalagang impormasyon ukol sa entertainment industry sa iba’t ibang executives sa buong Asya sa pamamagitan ng electronic, print, at online publications nito.
Bukod dito, pinarangalan din si Santos-Concio bilang Woman Achiever for Tourism and International Understanding noong Biyernes (Sept 5) sa 24th SKAL International Makati Awards para sa kanyang natatanging kontribusyon sa pagtaguyod ng turismo sa loob at labas ng bansa.