ni Ed de Leon
ALAM na pala talaga ng actor na si Mark Gil na malala na ang kanyang sakit. Liver cancer iyon, pero natuklasan ngang talagang malala na last year pa. Alam man ng kanyang pamilya, ayaw daw ni Mark na malaman pa iyon ng ibang tao, kaya nga humingi pa ng paumanhin ang pamilya Eigenmann na hindi nila nasabi ang totoo sa mga nagtatanong sa kanila tungkol sa kalagayan ni Mark, dahil iyon ang kagustuhan ng namayapang actor.
Hindi naman siya mukhang may sakit. Napapanood pa namin siya roon sa serye ni Angel Locsin na kamakailan lamang natapos. Okey naman ang kanyang hitsura. Kung ano man ang nararamdaman niya, hindi niya ipinakikita sa iba, at nagagawa niyang normal lamang ang kanyang buhay.
Hindi lang nalulungkot ang industriya sa pagpanaw ni Mark. Ang higit na marami ay nakararamdam ng panghihinayang. Bata pa si Mark, 52 lang siya. Siguro kung hindi siya nagkaroon ng ganyang sakit, maraming taon pa siyang mananatili sa showbusiness. Nakahihinayang dahil si Mark ay isa sa pinakamahuhusay nating actor. Hindi mo matatawaran ang husay niya sa acting.
Siguro nga masasabing may mga pagkakamali rin naman sa buhay si Mark at sino ba naman ang hindi nagkakamali. Pero iyong kanyang pakikipagkaibigan, pakikisama, at pagiging mabuti sa lahat ng mga nakakatrabaho niya ay mga bagay na hindi makalilimutan ng mga taong nakasama at nakilala niya.
Masasabi ngang umuusok ang mga social networking site sa rami ng nagdadalamhati sa pagpanaw ni Mark. Kami, nanghihinayang sa pagkawala ng isang napakahusay na actor.