Sinuportahan ng grupo ng mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na Defenders of Bataan and Corregidor, Inc. (DBCI) ang ipinakitang political will ni Defense Secretary Voltaire Gazmin upang magkaroon ng bagong Constitutions and By-Laws (CBL) at ireporma ang Veterans Federation of the Philippines (VFP).
Sa kanyang liham kay Gazmin, iginiit ni DBCI National Commander Evangelista, napapanahon sa matuwid na landas ni Pangulong Aquino ang bagong CBL ng VFP upang ipalit sa ipinatutupad na konstitusyon ng grupo ni dating Col. Emmanuel de Ocampo na nagmistulang kaharian niya ang samahan ng mga beterano.
“Sa pamamagitan ng bagong VFP Constitutions and By-Laws, nagpakita ang kagalang-galang na Kalihim (Gazmin) ng political will para maipatupad ang kailangang reporma sa VFP na matagal na naging pribadong pag-aari ng grupo ni De Ocampo,” sabi ni Evangelista na pinuri rin na dumaan ang bagong CBL sa public hearings at consultations na tumagal ng dalawang taon at dinaluhan ng mga lider ng iba’t ibang samahan ng mga beterano.
Kabilang sa nagsilahok sa pagdinig para mabuo ang CBL ay sina ret. Gen. Rodrigo Gutang ng Alliance for the Amelioration, ret. Col Cesar Pobre ng Cavalier Association of Veterans at ret. LtGen. Raul Urgello ng KAMPILAN Peacekeepers Association, Inc.
Kinondena ng DBCI ang tangkang pagharang ng grupo ni De Ocampo para maipatupad ang CBL ng VFP na wastong pangasiwaan ni Gazmin batay sa Republic Act 2640 na nilikha noong 1960 at nagsasaad na dapat itong nasa ilalim ng kontrol at superbisyon ng Secretary of National Defense.
“Ginamit ng grupo ni De Ocampo ang maraming pasala-salang taktika na nagtagumpay na mapabagal ang pagpapatupad ng reporma na pinasimulan ng mga dating kalihim ng Department of National Defense sa nagdaang mga taon,” diin ni Evangelista. “Mabuhay ang reporma para sa mga beterano!”
Naniniwala ang DBCI na mapalad ang mga beterano ngayon dahil magpapatupad si Gazmin ng mga kinakailangang reporma sa VFP na pakikinabangan ng lahat ng beterano sa bansa dahil titiyakin ang transparency, accountability at ang prinsipyo ng check and balance sa kanilang sektor. (HNT)