LUMUSOT na sa House Ways and Means Committee ng Kamara ang panukalang batas na naglalayong tanggalin ang buwis sa bonus ng mga kawani na mas mababa sa P70,000.
Ayon kay Marikina City Rep. Miro Quimbo, chairman ng komite, nais ng mga kongresista na mas malaki ang maiuwing bonus ng mga kawani upang mag-enjoy sila.
Naniniwala ang mambabatas na mapag-uusapan agad ang panukala sa plenaryo dahil nagkaroon na nang kasunduan ang Senado at Kongreso na tapusin agad ang panukala.
Sa kalkulasyon ng komite, aabot sa P1.5 bilyon ang mawawala sa koleksyon ng gobyerno ngunit mababawi ito sa Value Added Tax (VAT) dahil sa mas maraming mabibili ang publiko.
Magugunitang inalmahan ng mga mambabatas ang eksaheradong kwenta ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na aabot sa P3 bilyon ang mawawala sa koleksyon ng gobyerno kapag naging batas ang panukala.
Target ng komite na maikalendaryo sa plenaryo ang panukala sa Oktubre para maihabol sa bigayan ng bonus sa Disyembre.
(JETHRO SINOCRUZ)