NAKATUTUWA ang proyektong Himig Handog ng Star Records. Marami kasi silang nabibigyan ng chance lalo na ang mga baguhan para maipakita ang galing sa paglikha ng kanta. Idagdag pa rito ang pagpapakita ng mga talent ng mga estudyante mula sa iba’t ibang universities and colleges sa paggawa ng music videos.
Naimbitahan kami noong Lunes sa paglulunsad ng Himig Handog P-Pop Love Songs 2014 album at music videos at talaga namang wala kang itulak kaibigan sa 15 entries na nakapasok mula sa 6,000 entries na sumali. Puro magaganda talaga ang mga awiting aming narinig gayundin ang mga video na aming pinanood.
Bale sa Setyembre 28 (Linggo) na gaganapin sa Araneta Coliseum ang pinakaaabangang finals night ng pinakamalaking multimedia songwriting competition sa Pilipinas. Bale mas pakikislapin ang gabi ng Kapamilya stars na magiging mga host ng programa na sina Kim Chiu, Xian Lim, Robi Domingo, at Alex Gonzaga.
Itatampok sa gabi ng parangal ng Himig Handog ang pagbibigay-buhay ng ilan sa pinakasikat na mga mang-aawit sa bansa sa Top 15 finalist songs na isinulat ng mga beterano at baguhang Filipino composer.
Si Morissette ang interpreter para Akin Ka Na Lang na komposisyon ni Francis Louis Salazar; Jessa Zaragosa para sa Bumabalik ang Nagdaan ni Sarah Jane Gandia; Jovit Baldivino para sa Dito nina Raizo Brent Chabeldin at Biv De Vera; Ebe Dancel kasama si Abra para sa Halik sa Hangin ni David Dimaguila; Angeline Quinto para sa Hanggang Kailan ni Jose Joel Mendoza; Juris para sa Hindi Wala ni Nica del Rosario; Jed Madela para sa If You Don’t Want to Fall ni Jude Gitamondoc; Janella Salvador para sa Mahal Kita Pero ni Melchora Mabilog; KZ Tandingan para sa Mahal Ko o Mahal Ako ni Edwin Marollano; Michael Pangilinan para sa Pare Mahal Mo Raw Ako ni Jovinor Tan; Marion Aunor tampok sina Rizza at Seed para sa Pumapag-ibig ni Jungee Marcelo; Daniel Padilla para sa Simpleng Tulad Mo ni Meljohn Magno; Bugoy Drilon para sa Umiiyak ang Puso ni Rolando Azor; at Jugs and Teddy para sa Walang Basagan ng Trip ni Eric De Leon. Ang songwriter-finalist naman na si Hazel Faith dela Cruz ang aawit ng kanyang komposisyon na Everything Takes Time.
Tulad ng mga nakaraang Himig Handog, bukod sa grand prize ay may mga special awards na ibibigay para sa mga song finalist na pinili ng taumbayan. Maaaring suportahan ng fans ang favorite song entries at interpreters nila sa iba’t ibang paraan. Bumoto sa MOR 101.9 para sa MOR’s Choice sa pamamagitan ng pag-text ng MORHHSONG<1 to 15> sa 2331; sa Himighandog.abs-cbn.com para sa Online Choice for Favorite Interpreter; sa TFC.tv para sa TFC Choice; sa pagbili ng September issue ng Starstudio Magazine para sa Starstudio’s Choice, at sa pamamagitan mismo ng Himig Handog album para sa Star Records Listeners’ Choice. Mabibili ang CD sa mga record store sa buong bansa sa halagang P299 lamang. Maaari na ring mag-download ng Himig Handog tracks sa halagang P25.00 bawat isa.
Bukod sa Himig Handog P-Pop Love Songs CD, tampok din ang 15 finalist songs sa mga music video na nilikha ng mga mga estudyante ng ilan sa mga pinakaprestiyosong unibersidad sa Pilipinas kabilang ang University of the Philippines, University of Santo Tomas, Ateneo De Manila University, DLSU-College of Saint Benilde, Colegio de San Juan de Letran, Far Eastern University, Adamson University, University of the East, San Beda College-Alabang, San Sebastian College, Mapua Institute of Technology, MINT (Meridian International) College, Polytechnic University of the Philippines, St. Paul University, at Miriam College. Mapapanood ang Himig Handog music videos sa MYX SkyCable channel 23.
Huwag palampasin ang Himig Handog P-Pop Love Songs finals night sa September 28, 7:30 p.m., sa Big Dome. Mabibili na ang tickets para sa Himig Handog finals night sa Ticketnet. Maglog-on lamang sa Ticketnet.com.ph o tumawag sa 911-5555.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Himig Handog P-Pop Love Songs at kompletong voting mechanics para sa mga special award, bisitahin ang Himighandog.abs-cbn.com, i-like ang Facebook fanpage ng Star Records nawww.facebook.com/starrecordsphil o i-follow ang @starrecordsph sa Twitter.
ni Maricris Valdez Nicasio