ISUSULONG ni Senador Grace Poe ang pagbibigay ng refund sa tuwing magkakaroon ng aberya sa Metro Rail Transit (MRT).
Naniniwala si Poe na karapatan ng isang mananakay na makakuha ng refund. Hindi aniya pwedeng “TY” o thank you na lang ang itugon sa kanila.
“Ang pangako lamang nila (DoTC at MRTC) sa akin ay titingnan nila ang posibilidad na magkaroon nang tamang pagtrato sa mga pasahero pagdating sa pagbibigay ng refund,” ani Poe.
“Ako igigiit ko talaga ‘yan e kasi ‘di ba kahit naman ikaw ay isang consumer bumibili ka sa isang grocery, meron kang right to return a product kung ito ay sira.”
Bukod sa refund, dapat magkaroon din aniya ng kakayahan ang maintenance provider na magbigay ng shuttle buses oras na masira ang mga tren.
Inihirit din niya ang pagkakaroon ng mga tolda o shed na masisilungan ng mga nakapila. Kung ‘di maaari ang tolda, iminungkahi niya ang pagbili ng libong payong na ipahihiram sa mga pasahero at kukunin din pagdating sa nalililimang bahagi ng MRT.
“Ipadama n’yo na lang na gumagawa kayo ng paraan,” mensahe ni Poe sa MRT at DoTC sa gitna ng serye ng mga aberya.
Gov’t nagoyo sa MRT 3 maintenance
TAHASANG sinabi ni Senadora Grace Poe na naisahan at nabola ang pamahalaan sa pinasok na kasunduan sa kompanyang nagsasagawa ng maintenance ng MRT 3.
Ayon kay Poe, maliwanag na sa kabila na halos kalahating milyong piso lamang ang share capital ng naturang kompanya ay nagawang ipagkaloob dito ang maintenance service.
Naniniwala si Poe na walang sapat na kakayahan ang maintenance provider na nakakuha ng bidding awards ng MRT 3 project.
Ipinagtataka rin ni Poe kung bakit hindi nabusisi ng pamahalaan ang bawat kompanyang lumahok sa bidding.
Magugunitang bago isinagawa ni Poe ang pagdinig ng Senado ukol sa kontrobersiyal na MRT 3 problem ay sinubukan niyang sumakay ng MRT upang maranasan ang dinaranas ng bawat pasahero.
Bunsod nito, muling nagbabala si Poe sa pamahalaan na mahigpit na bantayan ang nakatakdang bidding sa Setyembre 5 para sa panibagong hahawak ng maintenance services ng MRT 3.
Tinukoy ni Poe na kung dati ay 72 mula sa 73 bagon ang tumatakbo ngunit nang hawakan ng bagong maintenance company ay mahigit 40 na lamang ang tumatakbong bagon.
(NIÑO ACLAN/
CYNTHIA MARTIN)