KIKITA ang administrasyong Aquino kapag nagpatuloy ang pagtambak ng mga kargamento sa pantalan sa Maynila, sa bagong patakaran na binalangkas ng Palasyo.
Simula sa Lunes, Setyembre 8, lahat ng mga kargamentong may clearance mula sa Philippine Ports Authority (PPA) at Bureau of Customs (BoC) may limang araw para alisin sa pantalan, at kapag nabigong tanggalin ay papatawan ng multa na P5,000 kada araw.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., ito ang napagkasunduan sa ginanap na pulong ng Cabinet cluster for port congestion sa Palasyo na pinangunahan ni Cabinet Secretary Rene Almendras.
“I would like to summarize the major agreements that we reached at this morning’s meeting in Malacañang. Number one, effective September 8, 2014, all cargoes cleared by port authorities namely, PPA and Bureau of Customs, will be given five days to pull out from the Manila ports or will be shipped out by the government to Subic and/or Batangas ports. Number two, effective 1 October 2014, all cargoes cleared by port authorities that fail to pull out within the prescribed five-day period will be charged a fine of P5,000 a day,” ani Coloma.
Ang Cabinet cluster for port congestion ay binubuo nina Almendras, Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson, DoTC Secretary Joseph Emilio Abaya, Secretary of Finance Cesar Purisima, Trade and Industry Secretary Gregory Domingo, Socio Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino.
Kasama rin sina PPA General manager Juan Sta. Ana, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez at Customs Commissioner John Phillip Sevilla.
May resolution aniya na nakatakdang ipasa para sa implementasyon ng isang 24-hour last mile truck routes sa loob ng dalawang linggo na inaasahan na magiging epektibong solusyon sa pagpapaluwag sa Port of Manila.
“Ang isang susi rito kasi ‘yung pag-operate ng mga truckers kapag araw ng Linggo at Lunes ng umaga so they can maximize the utilization of the 24-hour last mile truck routes. At bibigyan ng incentives ‘yung mga mag-o-operate sa Sunday. They will be tagged by the MMDA so they can use the 24-hour last mile truck routes,” sabi pa ni Coloma.
Ang mga ruta na 24/7 na pwedeng gamitin ng mga truck mula sa Port of Manila ay sa Roxas Boulevard at Quirino Avenue patungo sa South at iyong A. Bonifacio – C3 hanggang NLEX.
“Bukod dito bibigyan sila no’ng last mile. Ibig sabihin no’ng last mile kahit na oras na ng truck ban, pwede nilang kompletuhin ‘yung biyahe up to the last mile para matapos ‘yung pag-delivery ng cargo nila. But this will be an incentive offered to those who are operating on Sunday. Kaya binibigyan nang sapat na pag-kakataon ‘yung mga may-ari ng mga cargo na tumulong dito sa decongestion of the Port of Manila dahil sa mataas na prayoridad na ibinibigay ng ating pamahalaan sa pagresolba ng problemang ito,” paliwanag niya.
(ROSE NOVENARIO)