ITINALA sa 12.7 bilyones, hindi pesos kundi dolyares ang yaman ng pamilya Sy na pinangungunahan ng kanilang patriarka na si Henry Sy.
Sila ang mga SY na may-ari ng SHOE MART ang dambuhalang mall na nag-anak na kung saan-saang lungsod at probinsiya na may slogan na “We’ve got it all for you!”
Ang kanilang origin of wealth ay nakatala sa kategoryang “diversified.”
Sabi sa diksiyonaryo ang ibig sabihin daw n’yan “distinguished by various forms or by variety of objects.”
Sa madaling sabi pa, mayroon silang investment sa maraming industriya.
Wala na tayong dapat ipagtaka kung bakit nagkakamal nang husto ngayon ang pamilya Sy. Mabilis ang kanilang pagyaman sa iba’t ibang dahilan.
Ang pinakaunang dahilan na matagal na nating itinatanong, kung numero uno sila sa listahan ng mayayaman, bakit hindi sila ang number one taxpayer sa bansa?!
Ang pamilya rin ni Henry Sy ang tinatawag ngayong ‘HARI NG CONTRACTUAL.’
Malaking bilang ng mga empleyado nila ay hindi regular. Puro contractual lalo na ‘yung nasa service industry.
Ang kontrata sa trabaho ng kanilang mga contractual employees ay hanggang limang (5) o 6 buwan lang. Hindi rin pwedeng re-hire agad, kasi magkakaroon ng karapatan ang empleyado na ilaban ang kanyang regularisasyon.
S’yempre kung contractual ang empleyado, maraming incentives o benefits na hindi sila kasali, kaya malaki ang natitipid ng SM sa pagbabayad ng buwis kahit sandamakmak ang kanilang trabahador.
Noong una marami ang nag-aakala na ang pagkakaroon ng SM Mall sa isang lungsod o probinsiya ay katumbas ng pag-unlad pero mas masama ang naranasan ng marami dahil pinatay ng SM Mall ang maliliit na negosyanteng lokal.
Nagbigay ng contractual na trabaho sa iilan pero pinabagsak ang kabuhayan ng mas maraming tao.
‘Yung mga negosyanteng may kakayanan na kumuha ng stall sa kanilang mall pumapayag pero mas marami ang umaayaw dahil bukod sa pag-upa nila sa pwesto, ang SM ay may bahagi pa sa gross sales at may charge pa sa Advertising nila dahil ang trato nila sa umuupa concessionaire.
Napakagaling nga ng nag-conceptualize ng negosyo ng SM — naka-imbudo sa kanila lahat ng pabor.
Ibig sabihin, ano man ang mangyari, at the end of the day, sa kanila pa rin papasok ang kwarta.
Ganyan kagaling ang Henry Sy conglomerate …
‘Yun nga lang … hindi pa rin natin maintindihan kung bakit hindi sila number one taxpayer sa bansa.
Dahil mayroon silang social responsibility projects?! Mayroon silang scholarship program at kung ano-ano pang outreach program?!
E baka maliit pa sa hanip ‘yung social responsibility program nila kompara sa malaking kita at tubo na kinakamal nila.
Sige nga po, BIR Commissioner KIM HENARES, pakitulungan lang po akong isipin kung bakit hindi number one taxpayer ang number one richest sa bansa?!
Nakalilito kasi, ‘e!
PASAY PIO CHRISTIAN CARDIENTE UMUUSOK ANG ILONG SA GALIT
HINDI umano maintindihan ng mga staff ni Pasay City acting public information officer (PIO) Christian Cardiente kung bakit grabe ang init ng kanyang ulo at pinagbantaan pa sila.
‘Yan daw ay matapos niyang mabasa ang kolum ng inyong lingkod.
‘E bakit naman umuusok ang ilong mo sa galit, Mr. Christan Cardiente?!
Fact … that’s a fact.
Concern lang naman tayo kay Mayor Tony Calixto. Siya ang stalwart ng Liberal Party sa Pasay City pero meron siyang ‘anti-PNoy’ sa kanyang kwadra?!
‘E malaking kapahamakan ‘yan sa political career ni Mayor Calixto.
Kasalanan ba ng mga staff mo na nabuko na ang PDS na ibinigay mo sa city hall ay ‘peke’ ang mga datos!?
Bukod sa negatibong katangian na ‘yan ni Cardiente meron din daw malaking “A” problem ‘yun mama.
A as in attitude.
Tsk tsk tsk …
Mayor Calixto, paki-check lang pong mabuti ang iyong PIO.
KOMPISKADONG LAPTOPS NG BoC IPINAGKALOOB SA DepEd – ALS
KAYSA mabulok at manakaw sa bodega sa port area, minabuti ni Bureau of Customs Commissioner John Sevilla na ipagkaloob sa Department of Education – Alternative Learning System (DepEd-ALS) ang 3,915 units na Asus laptop na kanilang nakompiska noong Disyembre 2011 dahil sa misdeclaration.
Aniya, mas mabuting makatulong sa “teaching and learning process” sa bansa ang nasabing laptops kaysa naman masira lang at mabulok sa bodega.
Noong 2012 pa raw naaprubahan ang pagdo-donate nito pero mahabang panahon din ang iginugol para i-waive ang storage, demurrage, at iba pang port charges.
Kaya nagpapasalamat si Commissioner Sevilla sa Asian Terminals Inc. (ATI), ang operator ng Port of Manila at sa shipping companies na nag-waive ng mga bayarin para tuluyang maipagkaloob sa DepEd ang nasabing laptops.
Sabi pa ni Commissioner Sevilla, “It is our goal to expedite the disposition of forfeited items so that we can help decongest the ports and maximize returns — whether in terms of revenues or other non-monetary benefits — for our government and our people.”
Ang nasabing mga laptop ay iniulat na ipinuslit sa bansa mula China at idineklarang “computer parts.”
Kinompiska ito sa consignee na ORZA Marketing dahil sa “undervaluation and misdeclaration” noong 2011.
‘Yan ang disposition at liderato!
Hindi ‘yung patawing-tawing, kung tipong naburo ‘yang mga laptop na ‘yan noong panahon ni Commissioner Ruffy Biazon, kay Commissioner Sevilla, kailangan trabahuin para sa kapakinabangan ng marami.
Saludo tayo sa mga ganyang desisyon, BOC Commissioner John Sevilla …KUDOS!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com