UMABOT nang mahigit dalawang oras ang pag-hostage ng isang preso sa isang civilian employee sa loob ng medium security compound ng New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City kahapon ng tanghali.
Ang inmate na si Dennis Gonzaga, 37, may kasong parricide, ay inilagay na sa isolation room ng NBP.
Kinilala ni NBP OIC Supt. Celso Bravo ang biktimang si Susan Egana, nasa hustong gulang, civilian employee ng Samsung Handycraft, tindahan na pinamamahalaan ng NBP.
Dalawang preso ang nasugatan sa insidente na sina Reynante Ramirez, may kaso sa ipinagbabwal na gamot, at Dante Isip, may kasong robbery, nasaksak ng screw driver nang umawat kay Gonzaga.
Base sa ulat na natanggap ni NBP Supt. Bravo, dakong 12:30 p.m. nang mangyari ang hostage taking sa loob ng naturang piitan.
Ayon kay NBP OIC Supt. Bravo, nais makita at makausap ni Gonzaga ang kanyang ina at kapatid dahil natatakot na baka pag-initan siya sa loob ng bilangguan.
Binabantayan ng biktima ang naturang tindahan, nang bigla siyang dakmain ng suspek at tinutukan ng screw driver.
Ngunit nang dumating ang mga kaanak ng suspek, agad niyang pinakawalan ang biktima.
(JAJA GARCIA)