SA SOBRANG PAGHANGA NALIMUTAN NI YUMI NA MAKAKUHA NG IMPORTANTENG DETALYE
“Kulang-kulang kasi ang mga detalye patungkol sa buhay niya… Maski nga sa mga interview mo sa kanya ay marami kang topic na hindi na-touch,” sabi ng kaopisina niya.
“Ow?” bulalas niya.
“Rebyuhin mo ang mga notes mo… Halimbawa’y ilan taon na si Jimmy John? Saan siya ipinanganak? Saan siya nag-aral? Sino ang kanyang biological parents?” paglilinaw sa kanya ni Tabachingching.
Nagkape si Yumi sa kantina ng kanilang TV station. Nirekisa niya ang short notes na nakasulat sa notebook noong mag-one-on-one sila ni Jimmy John sa pool side ng hotel. Napakagat-labi siya dahil pawang “secret” ang isinagot pala sa kanya ng American singer/pianist sa mga tanong na kung ilang taon na siya, kung saan ipinanganak at kung saan nag-aral. Pero isang “Dr. Ronald Roosvelt Robinson” umano ang tumatayong foster father niya. Lumalabas na isang ampon lamang si Jimmy John.
Nakabalik na si Yumi sa kanilang opisina ay subsob-ulo pa rin ang mga kasamahan niya sa research work. Nakatutok sila sa iba-ibang website sa internet. At nakalkal ng grupong tagapanaliksik sa isang isyu ng Universal Time Ma-gazine na si Jimmy John ay anak-anakan ni Dr. Ronald Roosvelt Robinson, ang siyentista na tinaguriang “The Father Of Modern Robotics.” Pero maliban sa impormasyong ito ay wala nang iba pang nabanggit tungkol sa singer/pianist. Naka-focus kasi ang artikulo sa buhay at sa mga nakamamanghang produkto ng kahenyohan ng siyentista. Ang mga robot daw na likha ni Dr. R.R. Robinson ay ginagamit sa mga fastfood at restobar sa Amerika bilang mga service crew, barista at doorman na pwedeng utusan at kausapin.
Linggo ng gabi ang nakaiskedyul na paki-kipagkita ni Yumi kay Jimmy John. Itinanim niya sa isip na kinakailangan niyang mapiga ang lahat ng mahahalagang impormasyon na pwedeng makatas sa kanilang paghaharap sa hotel suite nito. Sabi sa natanggap niyang text bandang ala-singko ng hapon: “Hi, good afternoon. Paki-confirm lang kung makararating ka ngayong 7 pm.”
“Yes” ang isinagot niya.
Sinasabi sa relong pambisig ni Yumi na limang minuto pa bago sumapit ang ika-pito ng gabi. Ineskortan at pinatuloy siya ng isa sa mga body guard ni Jimmy John sa loob ng inookupahan nitong hotel suite. Sinalubong siya sa sala niyon ni Miss Ellaine na mistulang isang clown na nakangiti sa kanya.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia