Posible umanong makulong ng hanggang 12 taon sa Bilibid ang aktor na si Derek Ramsay, Jr., kung mapatunayang nagkasala siya ng pang-aabuso sa kanyang asawa’t anak.
‘Yan ang pananaw ni Atty. JV Bautista, isang eksperto sa batas lalo na sa mga probisyon ng Republic Act 9262 (An Act Penalizing Violent Acts Against Women and Children).
Matatandaang kinasuhan kamakailan si Derek Ramsay ng kanyang sariling asawa matapos aniyang hindi suportahan ang kanyang mag-iina sa loob ng mahigit 11 taon.
Ikinasal si Mary noong 2001 kay Derek sa Balagtas, Bulacan at matapos lamang ng ilang buwan, naghiwalay sila dahil sa pambubugbog at pambababae ng aktor.
Noong 2002, isinilang ni Mary ang isang sanggol na lalaki.
Noong 2010, nagsagawa ng paternity test si Derek at napatunayang anak niya ito. Dalawang beses nagpa-DNA at paternity test si Derek.
Sampung taon itinago sa publiko ni Derek ang kanyang mag-iina.
Panay ang kanyang labas sa publiko, kabi-kabila ang relasyon sa mga artistang sina Angelica Panganiban, Christine Reyes, Kris Aquino at isa sa kanila ay posibleng naging biktima ni Derek.
Nang unang lumabas noong 2010 ang balitang kasal si Derek kay Mary, binantaan umano ng actor ang ABS CBN na kanyang home studio na huwag ilalabas ang balita.
“Matagal na nagsinungaling sa publiko si Derek, at kaming apektado, kaming mag-iina. Masakit sa akin bilang asawa, ngunit wala na rin naman ito sa akin. Pero, sa aking anak na dumaranas ngayon ng sikolohikal na abuso mula mismo sa kanyang ama, hinding-hindi ko ito mapapayagan,” ani Mary Ramsay.
Ayon sa abogadong si JV Bautista, pinarurusahan ng batas ang abusong sikolohikal na ginawa ng isang lalaki laban sa babae, kahit na asawa ng biktima.
Sa ilalim ng RA 9262, kinikilala ang babae bilang tao at hindi pag-aari ng isang lalaki.
Sinabi ng batikang abogado, kung malinaw sa mga paratang ni Mary na hindi naging consistent ang suportang ibinibigay ni Derek sa kanilang anak at ginagamit ang pera o salaping ibinibigay ng lalaki sa asawa upang impluwensiyahan siya at abusuhin, malinaw sa batas na abuso ito.
Sang-ayon sa batas, prision mayor o mahigit anim na taon at isang araw at magmumulta ng danyos nang mahigit P100,000 sa biktima ang kakaharapin ng mga suspek o mapapatunayang lumabag o nang-abuso ng kababaihan o mga bata, ayon kay Bautista.
Maraming beses umanong halos parang naging pulubi si Mary at naninikluhod na nakikiusap kay Derek na padalhan ng allowance ang kanyang anak na nag-aaral sa Dubai.
Sa takot ni Mary na hindi maging tuloy-tuloy ang suporta sa lumalaki niyang anak, at sa ipinapakitang kagaslawan ni Derek na isinasapubliko pa ang pagbili ng mga diamanteng singsing para sa kanyang mga karelasyong babae, napilitan na siyang sampahan ng kaso ang asawa.
Isinampa ni Mary ang kaso noong Hulyo at sumagot na rin sa prosecutors office ang aktor na pinabubulaanan ang mga akusasyon sa kanya.