KUNG hindi tayo nagkakamali, ang function ng mga BUS INSPECTOR ay tiyakin na ligtas ang kanilang mga pasahero sa pamamagitan ng pagrerekisa sa kanilang mga tiket.
Ang tiket po sa bus ay indikasyon na nag bayad ng pasahe ang pasahero at may pananagutan sa kanya ang bus.
Tinitiyak din ng inspector na hindi nandaraya ang konduktor at driver ng bus sa pamamagitan ng pagbibilang sa mga pasahero alinsunod sa kapasidad na itinatakda ng chasis nito.
Pero mukhang hindi ito naiintindihan ng mga inspector ng bus ng DLTB at JAC Liner.
Talagang grabeng sakripisyo ang inaabot ng mga pasahero ng dalawang bus company.
Dikit-dikit as in halos magkaamuyan na ng hininga at malapit nang magkapalitan ng mukha ang mga pasahero pero wala pa rin tigil sa pagpapasakay ng pasahero ang konduktor.
Hanggang estribo siksikan ang pasahero.
Ayon sa mga nagsisiksikang pasahero, pagdating ng bus sa Turbina, Calamba ‘e talaga namang dinaig pa ng DLTB at JAC Liner ang pabrika ng sardinas sa pagsasalansan ng kanilang mga pasahero.
Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit sandamakmak ang road mishap d’yan sa South Luzon Expressway (SLEx).
Buti sana kung mga BUS lang ang nawawasak … e paano ‘yung mga pasyenteng nasasaktan, namamatay at ‘yung iba pang sasakyan na nadadamay?!
Sabihin na nating may katapat na kabayaran sa umiiral na batas ngayon ang mga insidenteng gaya n’yan, pero PERA lang ba ang katapat ng BUHAY?
Buhay na sinayang ng kaswapangan sa pasahero ng mga bus at konduktor at kapabayaan ng mga bus company?
LTO chief, Alfonso Tan, LTFRB chief, Winston Gines …aba ‘e magtrabaho kayo!
Saan ba kayo kumukuha ng KAPAL ng MUKHA?! Sweldo nang sweldo kayo mula sa taxpayers’ money tapos inuupuan n’yo lang ang trabaho ninyo?
Araw-araw ang daming banggaan na nagaganap sa gitna ng kalye na ang madalas sangkot ay mga kolorum na sasakyan at mga lasing o bangag na driver … ano’ng ginagawa n’yong dalawa?
Palamig-lamig at pakaang-kaang sa opisina ninyo!
Kagatin sana ng HANTIK ang mga singit ninyo!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com