MARIING itinanggi ng Malacanang na diversionary issue ang lumutang na kampanyang ‘One More Term for PNoy’ sa social media.
Magugunitang bago naungkat ang usapin, mainit na kinaharap ng administrasyon ang kontrobersyal na Disbursement Accleration Program (DAP), pang-aaway ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Korte Suprema at impeachment complaint na inihain sa Kamara.
Nariyan din ang tumaas na bilang ng mga mahihirap sa bansa at mataas na unemployment rate.
Dahil sa paglutang ng panawagang ikalawang termino ng Pangulong Aquino, naniniwala si dating Comelec chairman Christian Monsod na ginagamit ito para malihis ang usapin sa mahahalagang bagay na dapat pinagtutuunan ngayon.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, wala itong katotohanan at makaaasa ang taongbayan na naka-tutok ang gobyerno sa agenda ng administrasyon.
Ayon kay Valte, hindi iniiwasan ng administrasyon ang mga isyung hinaharap ng bansa partikular sa pagpapaangat sa kabuhayan ng bansa.