NGAYON lang po tayo nakaranas nang ganito kaburaot na TV cable company.
Sa rekomendasyon ng ilang nakararahuyong patalastas sinubukan nating mag-subscribe sa prepaid ng Cignal Digital TV. Ang tawag nila sa kanilang sistema Direct-To-Home (DTH) satelite television service provider.
Pag-aari raw ito ng MediaScape, isang subsidiary ng MediaQuest Holdings, Inc., sa ilalim ng PLDT Beneficial Trust Fund.
‘Yun na pala ‘yon!
Kaya naman pala buraot ang serbisyo nitong CIGNAL DIGITAL TV ‘e dahil ang mother company pala nito ay PLDT.
Mantakin ninyo, isa kaming publication company pero dahil sa kaburautan ng CIGNAL ‘e nagtitiyaga kami ngayon mag-monitor sa maliit na transistor radio, sa social networking sites at sa internet.
Ang ipinagpapasalamat lang natin talaga, we’re living in an electronic world today kaya madali nang mag-check ng mga information bukod pa sa malalapit nating sources of information.
Limang buwan na ang nakararaan nang mag-subscribe kami sa CIGNAL na walang signal.
Sa cable company na ito, naranasan natin na konting kidlat at buhos ng ulan, nawawalan na kami ng cignal.
S’yempre dahil may problema sa serbisyo kaya itatawag namin sa kanila.
At ‘yun eksakto ang isasagot nila … may thunderstorm po kasi … malakas po kasi ang ulan … mahangin po … sige po ipate-check namin sa technician.
Pero anak ng kidlat na matulis, bumalik na ang cignal after 4 days, wala pa rin kaming nakitang technician o wala man lang kaming natatanggap na tawag mula sa CIGNAL para tanungin kami kung gumagana na ang cable.
Noong July 16, sa kasagsagan ng bagyong Glenda, nawala na naman ang cignal!
S’yempre kahit nakukunusumi na kami, binigyan na lang namin ng katwiran na kung ‘yung ulan nga lang nawawala, ito pa kayang SUPER BAGYO?!
Nakita n’yo naman kung gaano kapasensiyoso tayong mga Pinoy. Binigyan pa natin ng katwiran kahit sabi nga ‘e ‘umuusuok na ang bumbunan’ natin sa kunsumisyon sa letseng cable company na ‘yan na subsidiary pala ng PLDT.
Noong umigi na ang panahon, July 18, tumawag na naman kami sa CIGNAL, ite-check daw ng technician pero pinagbabayad muna kami ng P600. So nagbayad kami sa banko ng P600.
Sa loob daw ng tatlo (3) hanggang apat (4) na araw darating daw ‘yung technician.
Sa ikatlong araw, July 22, nag-follow-up kami, nagkamali daw ng sabi ng presyo, P672 daw ang bayad para sa technician.
Sonabagan!!!
So bayad ulit kami sa banko ng seventy-two pesos — karagdagan sa unang P600 naibayad na.
Noong i-follow-up namin, Hulyo 26, nagkamali na naman ang mga kamoteng taga-CIGNAL, 7 days daw pala bago makarating ang technician.
Tumawag na lang daw ulit kami para i-follow-up.
E anak talaga ng mga kamoteng may ulalo ‘yang mga taga-CIGNAL … ang kakapal ng mukha ninyong magnegosyo at tumanggap ng subscriptions ‘e ang serbisyo pala ninyo mas ‘remote’ pa sa tribu nina Barok!
Technician lang, aabutin ng pitong araw bago makarating sa opisina namin?!
E bakit, saan ba manggagaling ‘yang technician ninyo sa bundok tralala o sa Timbuktu?!
Hi-tech na nga ‘di ba?! SIGNAL lang ng cable ninyo hindi ninyo maayos-ayos?!
Saan kayo kumukuha ng KAPAL ng mukha?!
Ang lakas ng loob ninyong mag-alok ng serbisyo, pero BURAOT naman?!
Sa ating mga mambababasa, mag-isip muna kayong mabuti bago kayo mag-subscribe sa Cignal TV cable kung ayaw ninyong tumaas ang blood pressure ninyo.
MAGSARA na lang kayo at ibalik ninyo ‘yang ibinayad namin sa inyo …
Daig n’yo pa ang mga mandarambong, mga hindoropot kayo!
Sampal lang mula kay Bistek?!
FIRING SQUAD SA MGA DAYUHANG DRUG PUSHER!
NAG-TRENDING si Quezon City Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista nang mahagip ng TV camera nang sampalin niya ang isang Chinese drug pusher na natimbog kamakalawa ng PNP-QCPD sa parking area ng isang Mall sa Philcoa, Quezon City.
Umabot sa 10 kilo ng shabu na tinayang nagkakahalaga ng P20 milyones ang nakompiska sa nasabing Chinese national.
Pero ang gustong busisiin ni Bistek ‘e kung pumasok ba raw sa bansa nang naka-seal ang droga.
Ibig sabihin lang daw ‘e baka meron pang nakaimbak sa Customs na hindi pa nailalabas.
Marami nga pala ang nag-react nang sampalin ni Bistek ang bigtime tulak na Chinese, including Human Rights Chairman Etchas ‘este’ Etta Rosales.
Ayan na naman tayo … sampal nga lang ‘yan ‘e.
‘Yung mga nabiktima ng tulak ng shabu na Tsekwa na nalulong sa DROGA at nasira ang pamilya, ano ang tawag mo do’n Madam Etta?!
‘E kung tayo nga ang tatanungin tungkol d’yan, dapat FIRING SQUAD na agad sa mga foreign drug pusher.
Mantakin ninyo, pupunta lang ‘yan dito sa atin para biktimahin ang mga kababayan natin at ilulong sa droga?!
SONABAGAN!
Tapos SAMPAL lang, naawa pa kayo?!
Ay sus!
HAPPY 11th ANNIVERSARY POLICE FILES TONITE
NAIRAOS na rin ang tahimik na selebrasyon ng ating sister publication na Police Files Tonite para sa 11th anniversary ng pahayagan.
Parang kelan lang … parang baby pang gumagapang ang PFT … ngayon 11 years na pala?!
Bagamat nasuong sa ilang krisis, napagtagumpayan ng katotong Joey Venancio at ng kanyang butihing nag-iisang maybahay na si Leni Venancio at hindi sumuko na ipagpatuloy ang paglalabas ng PFT.
Congratulations at more power katotong Joey at mareng Leni!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com