HINIMOK ni House independent minority leader Ferdinand Martin Romualdez ang mga kapwa niya kongresista na huwag palusutin ang mahigit kalahating trilyong lump sum sa ilalim ng 2015 proposed budget ng Malacanang.
Ayon kay Romualdez, dapat obligahin ng Kamara ang Palasyo na idetalye kung saan mapupunta ang P501.6 billion na special purpose fund kung talagang paninindigan ng administrasyon ang isinusulong nitong transparency.
Hamon pa ng Leyte solon sa liderato ng Kamara, ipakita sa publiko ang deklarasyon nitong ilalaban at isasakatuparan ang power of the purse na pinagtibay ng desisyon ng Korte Suprema ukol sa DAP.
Kung hindi aniya papayag ang Malacanang na i-line item ang nasabing halaga ay mas mabuting ilagay sa mga ahensiya ang pondo para maisailalim ito sa regular na audit.
Inihalimbawa ni Romualdez ang calamity fund na pwede aniyang ipaubaya sa mga ahensiya na nangangasiwa ng disaster management and response gayundin ang pondo para sa school building program na pwedeng ilagay sa Department of Education (DepEd).
Hangga’t maaari, kailangan aniyang bawasan ang lump sum funds sa pambansang budget para iwas waldas sa pondo.