MASUSING imbestigasyon ang isinasagawa ng pamunuan ng Taguig City Police kaugnay sa alegasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na ”drug joints” ang Bonifacio Global City (BCG).
Ang hakbang na ito ng Taguig City Police ay batay sa utos ni Taguig City Mayor Lani Cayetano makaraan umalma sa alegasyon ng NBI.
Sinabi ni Cayetano, hindi nagpapabaya ang lokal na pamahalaan o kapulisan dahil naging maigting ang kompanya nila laban sa droga.
Ayon pa sa alkalde, nais niyang malaman kung ano ang naging basehan ng NBI sa desisyon nitong isailalim sa surveillance ang BGC clubs na sinasabing lantaran ang bentahan ng droga partikular ang party drugs ecstasy at green apple sa mga kostumer nito.
Bukod sa BGC, napaulat din na isinailalim din ng NBI sa surveillance ang mga club sa Quezon City at Makati City.
Batay sa pamahalaang lokal ng Taguig, mula’t sapol ay naging maigting na ang kampanya nila kontra droga kaya’t determinado silang pag-aralan pa ang kinakailangan hakbang upang tuluyang malansag ang paggamit at bentahan ng droga sa lungsod.
(JAJA GARCIA)