MULING DINALAW NI DONDON SI LIGAYA INIPIT ANG NUMERO NG CELLPHONE NA HINANGAD NIYANG MAGKAROON
Nang minsang mapadpad si Dondon sa gawing Divisoria ay sumilip siya sa pwesto ng karinderya ng amo ni Ligaya na lawlaw ang mga pisngi at bilbil sa katabaan. Mukha itong masungit at estrikta. Upang hindi siya itaboy nito palabas ng kainan ay umoorder siya ng softdrinks.
Pag-upo niya sa silya ng isang bakanteng mesa ay agad siyang pinagsilbihan ni Ligaya ng inumin na kanyang inorder. Kasabay sa pag-aabot niyon ay isiningit nito sa kamay niya ang isang kapirasong papel.
“Cellphone number ko’ng nakasulat d’yan,” ang pabulong na banggit ng dalagita kay Dondon.
Isinilid agad niya ang kapirasong papel sa bulsa ng kanyang shortpants. Pero wala siyang cellphone kaya magiging problema niya kung paano sila magkakakontakan ni Ligaya.
“Magkaroon ka rin sana ng cellphone kahit mumurahin lang gaya ng sa akin,” anito na parang isang panalangin.
“S-sana nga…” pagbubuntong-hininga ni Dondon.
Alam na alam kasi niya na wala talaga siyang kakayahang makabili ng kahit mumurahing cp. Ang kakatwa, kahit sa mga sulok-sulok at bangketa sa iba’t ibang lugar ng lungsod may mga nagtitinda ng cellphone. At halos lahat na yata ng tao sa paligid ay mayroon niyon.
Noon pumasok sa isip ni Dondon ang mang-agaw ng cellphone.
“Isnatser!” ang malakas na sigaw ng babae na patawid ng kalsada makaraang hablutan niya ng personal na gamit.
Nagpabilis sa pagtakbo niya ang palahaw na pagpapasaklolo sa pulis ng kanyang nabiktima. Hinawi niya ang makapal na tao sa Kalye Blumenttrit. Nakipagpagpatintero sa mga sasakyang nagdaraan. At nakipagtaguan-pong din sa pulis na tumugis sa kanya hanggang sa looban ng mga eski-eskinita. Pero nakorner din siya ng alagad ng batas sa isang makitid na kalye na huma-hangga sa napakataas na pader.
“Puputukan kita ‘pag nagtangka kang umeskapo,” ang pagbabanta ng pulis na nag-umang ng baril kay Dondon. “Tangna, bata, pinalawit mo ang dila ko sa pagha-bol-habol, a.”
Narekober sa kanya ng pulis ang cellphone na inagaw niya sa isang babae. Lumang modelo at nilagyan na lamang ng tape ang kaha niyon kaya nagagamit pa. Kahit ipagbili iyon ng isang daan ay baka hindi patulan ng pag-aalukan. (Sundan)
ni Rey Atalia