MULA SA NAIPON SA PANGANGALAKAL BUMILI NG UKAY-UKAY SI LIGAYA PARA SA PAGIGING SERBIDORA
“Kaya pala pati sarili mo ay masyado mong tinipid… Buti na lang at ‘di ka nagka-ulser,” nasabi ni Dondon sa himig ng pagmamalasakit sa dalagita.
Sa isang pampublikong CR nagtuloy si Ligaya. Nagbayad ng limang piso para makapaligo roon. Paglabas ng CR ay naibihis na sa sarili ang mga segunda manong kasuotan. Napatunganga tuloy ang binatilyo. Kahit pala medyo payat at morena ang kutis ay maganda at kaakit-akit ang dalagita kapag maayos at malinis ang bihis.
“Naligo… nagbihis nang maayos… Ano’ng okasyon?” ang pabirong tanong ni Dondon kay Ligaya na panay ang hagod ng suklay sa lagpas-balikat na buhok.
“Me importanteng lakad ako, e…” ang sagot ng dalagita.
“T-talaga?Saan?”
“Nabasa ko kahapon ang nakapaskel sa isang karinderya sa Divisoria na nangangailangan sila ng serbidora…At nag-aplay ako kahapon din.”
“Natanggap ka ba?”
“Oo, ‘Don… Ngayon ang umpisa ko. Stay-in ako roon. Otsenta pesos isang araw ang sweldo at libre pagkain.
Ikinatuwa ng binatilyo ang ibinalita sa kanya ni Ligaya. Pero sa isang bahagi ng kanyang utak ay alam niyang magiging sanhi iyon para malimitahan ang kanilang pagkikita. At lalong hindi na rin niya ito makakasabay sa pagkain, pagtulog at paggagala sa pangangalakal ng basura.
Nangulimlim ang mukha ni Dondon.
“’Wag ka namang ganyan… Kahit araw-araw, e, pwede mo naman akong daanan du’n sa pagtatrabahuhan ko para magkita tayo,” anang dalagita na pumisil sa braso niya.
“S-sabagay nga…”
“Ay, syenga pala… day off ko tuwing Linggo, ha?”
Pero ilang beses lang nakapunta si Dondon sa karinderyang pinaglilingkuran ni Ligaya. Ayaw niya itong maistorbo roon. Hindi rin naman siya makakain doon dahil medyo mahal ang mga paninda. Bentelog lang sa mga tabi-tabi ang kaya ng kanyang bulsa. At maging sa araw ng mga Linggo ay hindi rin niya madalaw ang dalagita sa bahay na tinutuluyan nito . Kapag hindi kasi siya naghanap ng pagkakaperahan ay ti-yak na mahuhumpak ang tiyan niya sa gutom. Bukod pa sa nahihiya siyang gamba-lain sa kanyang araw ng pamamahinga.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia