WALA namang masama kung hangarin ni Congressman Manny Pacquiao na makapaglaro sa Philippine baskeball Asasociation.
Lahat naman ng mahusay maglaro ng basketball ay nangarap at patuloy na nangangarap na maglaro sa kauna-unahang professional league sa Asya.
Pero siyempre, may hangganan din naman ang pangarap.
Marahil kung medyo bata pa si Pacquiao ay puwede niyang pangarapin ito. Pero hindi na siya maituturing na ‘spring chicken’ para sa PBA.
Sakaling sasabak siya sa 40th PBA season kung saan nag-apply nga siya sa Rookie Draft, malamang na iwan-iwanan siya ng mas batang manlalaro.
Hindi naman porke’t kundisyon siya dahil sa boksingero siya ay makakasabay na talaga siya sa mga bata at mas matatangkad na players.
Marahil, kung rerespetuhin siya ng mga players na kalaban niya dahil sa kanyang estado ay baka makagawa siya ng ilang puntos. Pero hindi naman iyon mangyayari palagi.
Siyempre, kapag nakalusot si Pacquiao sa bumabantay sa kanya, tiyak na kagagalitan ng coach ang player na itinoka sa kanya. After all, ang basketball ay source of income ng mnga players at hindi lang isang libangan o kapritso.
Sa umpisa siguro ay magsisilbing novelty sa PBA ang paglalaro ni Pacquiao kung saan man siya maglaro.
Pero sa kalaunan, mare-realize din ni Pacquiao na iba ang boxing at iba ang basketball.
Sabrina Pascua