NAHIRAPAN si hydra grandmaster Wesley So bago kinatay si GM Ian Nepomniachtchi sa second round ng ACP Golden Classic Bergamo 2014 International Chess Tournament sa Italy kahapon.
Pinagpag ni top seed So (elo 2744) si No. 2 ranked Nepomniachtchi (elo 2730) ng Russia matapos ang 69 moves ng English opening para ilista ang 1.5 points sa event na ipinatutupad ang single round robin.
“No more thinking about the game. I am just happy that I won and now it is time to think in the following games,” saad ng 20 anyos na si Wesley.
Sabi ni Nepomniachtchi na marami agad itong pagkakamali sa kaagahan ng laro kaya nahirapan na siya hanggang sa endgame.
“The results shows it all. Basically the game was over after 20 moves because I made 5-6 bad moves in a row and then I had no chance to get the initiative. The endgame is just a matter of technique,” ani Nepomniachtchi.
May pitong GMs ang kalahok sa event kaya may tatlong pares na laro at isang bye kada round.
Kabakas ni So sa unahan si Emil Sutovsky (elo 2620) ng Israel na pinisak si Baadur Jobava (elo 2713) ng Georgia sa loob lang ng 21 sulungan ng Sicilian.
Wala pang resulta ang labanan nina Daniele Vocaturo ng Italy at Zoltan Almasi ng Hungary.
Sa third round ay haharapin ni So si Vocaturo (elo 2584) habang si Sutovsky ay kikilatisin si Italian GM Brunello Sabino (elo 2568) na nag bye sa round 2.
Samantala, dahil sa panalo ni So umangat ang live rating nito sa 2750.5. (ARABELA PRINCESS DAWA)