AYON sa isang Bureau of Immigration (BI) lawyer, maliwanag na inabuso ni BI Angeles Alien Control Officer (ACO) JANICE CORRES ang exemption sa Office Order No. SBM-2014-12 re: “Temporary Visitor’s Visa Extension of Chinese Nationals” na ibinigay sa Fontana and Leisure Resort para i-extend ang stay ng mga kliyente nila sa Casino.
May info kasi ngayon na hindi lang daw mga kliyente ng Fontana ang kanilang ini-extend ang visa, kundi pati na rin ang ibang nationalities na hindi naman naging customer ng nasabing casino!?
Aba’y kung totoo ito, malaking raket pala ang nangyayari diyan sa BI field office.
BI Comm. Fred Mison, dapat imbestigahan agad ang matinding raket na namamayagpag sa BI Angeles field office kasabwat umano ang asawa ni Janice na si ALBERT CORRES, na numero unong sipsep ‘este bata ni Jackol ‘este’ Jack Lam na siya ngayong CEO ng Jimei Group of Companies.
Ang Jimei Group ang nagma-manage ng Casino business ng Fontana Resort at iba pang casinos diyan sa Central Luzon.
Hindi nakapagtataka na halos lahat ng mga gustong magpa-extend ng kanilang visa ay nagpupuntang lahat sa Fontana para d’yan i-process ang kanilang extension kahit alam na alam nilang bawal ito.
Pati nga raw ‘yung mga mukhang busabos na foreigner na wala naman kakayahan magpatalo nang milyon-milyon sa casino ay doon na rin nagpapagawa ng kanilang extension dahil nga sa exemption na ipinagkaloob sa Fontana and Leisure Resorts.
Bigla raw umangat ngayon ang collection ng BI Field office ni ACO Janice Corres at siyempre kasabay nito ang biglang pasok ng limpak-limpak na kita para sa kanilang Visa-Extension-Made-Simple, (parang VIMS di ba!?) at mayroon pang instant Exit Clearance Certificate (ECC) sa mga overstaying aliens!?
Isang pagpapatunay ng anomalya sa BI Angeles, nang isang Chinese national na si Chen Yan Yun ay na-intercept sa NAIA T-1 noong isang linggo.
Si Chen Yan Yun na dapat ay nag-expire na ang visa last May 11, 2014, ay nagawa pa rin i-extend ni ACO Janice Corres, hanggang August 18, 2014 sa kabila ng Office Order NO. SBM-2012-14 ni Comm. Fred Mison.
Kahit kailan daw ay HINDI naging customer/player ng Fontana casino si Chen Yan Yun pero roon siya nagpa-extend ng visa kina ACO Janice Corres dahil sa exemption ng Fontana sa Office Order na ito.
Gaano karaming kaso ng katulad ni Chen Yan Jun ang na-magic ‘este’ na-process diyan sa BI Angeles field office.
Maliwanag na may hokus-pokus at abuso na nangyayari sa opisina ni ACO Janice Corrupt ‘este’ Corres gamit ang Office Order ni Comm. Fred Mison at SOJ Leila De Lima.
Hindi pa ba nyo sisibakin ‘yan Mr. Commissioner Mison!?
REGULAR EMPLOYEES AND OFFICIALS NG PTV4 BINALEWALA NI SEC. SONNY COLOMA
SAYANG yata ang management courses na pinag-aralan ni Presidential Communications Secretary Herminio “Sonny” kolokoy este Coloma, Jr., sa sikat na Asian Institute of Management (AIM).
Simpleng pagrespeto o pagkilala sa mga regular na empleyado at opisyal ng government network PTV 4 ‘e sumablay pa siya.
Ibinuking kasi ng People’s Television Employees Association (PTEA) ang tungkol sa kinuhang dagdag na sulsoltants ‘este’ consultants ng Malacañang sa PTV-4 sa kasagasagan ng impeachment trial laban kay dating SC Chief Justice Renato Corona.
Ikinatwiran ni Kolokoy ‘este’ Coloma na … “PTV has contracted the services of professionals in technical areas essential to network operations and this is being done in compliance with government rules and regulations.”
Ayon kay PTEA Vice President Angie Arguelles, lumaki ang bilang ng contract of service (COS) personnel sa ilalim ng administrasyon ni Undersecretary George Syliangco sa kasagsagan ng Corona impeachment trial kahit walang kita ang government TV station.
“Lumobo ang COS sa kanilang term kahit wala pang kita ang PTV. Nag-hire o nag-accommodate sila from PCOO (Presidential Communications Operations Office) personnel noong panahon (coverage) ng impeachment kay Corona,” dagdag ni Arguelles.
O tingnan ninyo, nalulugi na nga ang PTV 4 mantakin ninyong tambakan pa ng contractual?!
Tapos ang kinuha pang hepe ng isang yunit, kontraktwal?!
What the fact!?
Hindi ba’t ang daming binawas na benepisyo sa mga taga-PTV 4?! Tinipid sila pero kumuha ng mga kontraktwal na mas malamang ‘e malaki pa ang sweldo sa kanila.
Ininsulto pa ni Colokoy este Coloma ‘yung mga kawani ng PTV 4 sa isang panayam sa radio nang sabihin na kaya nagpapatuloy ang hiring ay dahil wala sa hanay ng mga regular na empleyado ang pwedeng mapagkatiwalaan at maaasahang gampanan ang mga tungkulin sa mga kinakailangang operasyon.
Pakengsyet!!!
Alam ba ninyong 279 regular employees at 278 COS employees at talents mayroon ang PTV?!
Lahat ba ‘yan e walang kakayahan?!
Dahil sa labis na pagbabalewala sa kanila ng administrasyon, tuwing tanghali sa nakalipas na tatlong linggo ay nagsasagawa ng kilos-protesta ang PTEA bilang pagtuligsa sa pag-ipit sa mga benepisyo ng mga retirado at mga insentibo na nakapaloob sa Collective Negotiations Agreement at kawalan ng umento sa sweldo sa nakalipas na walong taon.
Kung hindi aayusin ni Coloma ang gusot na ‘yan mas mabuti pa sigurong bigyan nila ng magandang retirement package para naman matamasa ng mga empleyado ang pinaghirapan nila sa mahabang panahon.
Pinakinabangan ng iba’t ibang administrasyon pero pagdating sa huli parang basura ang kanilang turing?!
Hay Sec. Coloma … kakampi ka ba talaga ni PNoy?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com