INIHAYAG ng Malacañang kahapon, hindi haharangin ng gobyerno ang ano mang hakbang ng kampo ni Senador Juan Ponce Enrile para sa paghiling nang mas maayos na kulungan kung ito ay age o health related.
Sinabi ni Deputy presidential spokesperson Abigail Valte, sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III na hindi ito special treatment kundi konsiderasyon sa edad ni Enrile at kondisyon ng kanyang kalusugan.
“These things should be taken into consideration while he is in detention,” ayon kay Valte.
REQUEST DIREKTA MUNA SA PNP – ENRILE LAWYER
IDIDIREKTA muna sa PNP ang lahat ng request ng kampo ni Sen. Juan Ponce Enrile.
Ito ang sinabi ni Atty. Enrique dela Cruz, dahil wala pang inilalabas na commitment order ang Sandiganbayan.
Ito ay dahil nangangahulugan na nasa PNP ang lahat ng responsibilidad para kay Enrile dahil doon siya sumuko makaraan maglabas ng warrant of arrest ang anti-graft court.
Kabilang sa request ng kampo ni Enrile ang pagbibigay ng pagkakataon sa senador na maisailalim sa eye checkup
Bukod dito, may iba pa aniya silang kahilingan para sa kalusugan ng mambabatas, makaraan ma-detect sa ilang test na isinagawa kamakalawa ng gabi na mayroon siyang mga dinaramdam at mataas din ang presyon ng dugo.
ENRILE NAGPA-CHECK-UP NG MATA SA OSPITAL
MAKARAAN ang mahigit dalawang oras, nakabalik na si Senador Juan Ponce Enrile sa Camp Crame matapos ang panandaling eye check-up sa Asian Eye Institute sa Rockwell Center sa lungsod ng Makati.
Una rito, bago mag-7 a.m. kahapon, umalis sa PNP General Hospital si Enrile na pinagdalhan sa kanya para sa hospital arrest.
Ang pagsasailalim kay Enrile sa eye check-up ay regular na ginagawa ng senador.
Kaugnay nito, sinabi ni Jackie Enrile, anak ng senador, hindi sila nababahala sa kasong plunder at graft na kinakaharap ng ama kundi sa kalusugan ng mambabatas.
Nangangailangan aniya ang ama ng daily injections sa problema sa mata o “macular degeneration.”
Ito ang dahilan kaya sa pagbabasa ay nangangailangan pa ng magnifying glass bukod sa eye glasses.
Bukod sa eye ailment, lumalala rin ang pandinig ng 90-anyos na si Enrile.
Aniya, kapag ang senador ay “disoriented” nawawalan ng balanse kaya’t hirap makalakad o tumayo.
Samantala, nagtalaga rin ng mga pulis na magbabantay kay Enrile hanggang ospital.
Ang Senate minority leader ay ipinaaresto ng Sandiganbayan dahil sa alegasyong pagbubulsa ng P172 milyon mula Priority Development Assistance Fund o pork barrel.
Kabilang din sa inaresto ng Sandiganbayan ang dating chief of staff ni Enrile na si Atty. Gigi Reyes, Janet Lim-Napoles na nakakulong na, Raymond de Asis at Richard Lim.
Una nang ikinulong sina Sen. Jinggoy Estrada at Bong Revilla na kasamang akusado ni Enrile sa pork barrel scam.