ITUTULOY ng militanteng grupo ang paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, “culpable violation of the Constitution” at “betrayal of public trust” ang magiging grounds ng kanilang reklamo.
Ani Casiño, sinira ng punong ehekutibo ang tiwala ng mga mamamayan nang gamitin ang kaban ng bayan para sa Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
Balak din nilang sampahan ng kasong malversation of funds si Budget Secretary Butch Abad at iba pang kasabwat dahil sa pagdesinyo sa DAP.
Sinabi ng dating mambabatas na isasampa nila ang reklamo sa pagbubukas ng kongreso sa Hulyo 28 kasabay sa State of the Nation Address (SONA) ng presidente.
Dagdag ni Casiño, dapat magkaroon ng special audit ang Commission on Audit (COA) at ipalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang kompletong listahan kung saan napunta ang pera.
Nanawagan din siya kay Secretary Abad na mag-resign na lamang sa pwesto kung may natitira pa siyang delicadeza.
Una nang binalewala ng Palasyo ang bantang impeachment.